ANG PAGHIHINTAY: Dilim at Liwanag: Black Saturday Reflections. Marso 31, 2018

Lahat tayo ay may kanya-kanyang hinihintay sa buhay. Kadalasan kapag mayroon tayong inaasam na trabaho o kaya naman ay paggaling sa sakit, ang pakiramdam natin ay samu’t-sari. Lungkot, pagdududa, pagkainip ang kaakibat o di kaya naman ay saya, sigla, at pagkasabik kung alam natin na positibo ang mangyayari. Sa mga malapit na manganak, o di kaya sa mga naghihintay ng promotion sa trabaho. Bagamat may halong kaba dahil walang kasiguraduhan ay nanatili ang puso na may pag-asa. Ikaw, anong iyong hinihintay sa buhay? At anong klaseng pusong naghihintay ang mayroon ka?

Ngayong Sabado, tayong mga taga-sunod ni Jesus ay sabay-sabay na naghihintay sa dilim. Ngunit sa panahon na ito, Makita man natin o hindi ay matututunan natin na gumagalaw ang Panginoon para sa atin. Minsan ang Diyos man ay tahimik ngunit hindi ito natutulog. Sabi sa tradisyon, dito sa panahon ng Black Saturday, bumababa si Cristo sa mga kinaroroonan ng mga yumao, at doon binuksan ang pintuan ng langit. Gayon nga ang katotohanan na dito sa dilim kung saan hindi nakikita ay patuloy na gumagawa ng paraan ang Panginoon para sa ating ikabubuti. Dinidinig niya ang bawat nating panalangin. Bawat isa nito ay mahalaga. Sa mga panahon ng paghihintay ay tayo ay natutukso ng pagdududa, pagkabahala at pagkabagabag.

Tinatawag tayo bilang mga Kristiyano na alalahanin ang pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ni Jesus. Kung saan lahat ng bagay kahit masalimuot man ang daan, ay hahantong sa mas ikabubuti natin kung kasama ang Diyos nang may buong tiwala sa gitna ng dilim. Para sa ating mga Kristiyano na nagmamahal sa Diyos, hindi sa pagkamatay natatapos ang lahat. Kundi sa hindi magagandang karanasan, mga aral at tibay ng loob at pagmamahal na bumubuo sa bagong buhay. Bawat unos, bawat pagsubok ay mas pinagtitibay ang ating ugnayan at pananampalataya sa Diyos.

Dahil dito, sinabi ni Apostol San Pablo, kailangan natin iwan ang mga dating sarili, at magbago ng ayon sa wangis ni Cristo na tumubos sa ating lahat. Sa panahon ng dilim, dito tayo makakapagsuko ng kung ano mang nais natin iburol at ibaon sa ating mga nakaraan. Mga hinanakit, di pagpapatawad, mga pagsisisi, iwan natin ito lahat upang magkaroon din tayo ng bagong katauhan. Isang mahabagin, mapagpatawad at mapagmahal gaya ng Panginoon.

Si Cristo mismo ang mag-aalis ng lahat ng ating sakit at mga mapait na karanasan sa buhay kung isusuko natin sa kanya lahat. Hindi man madali at hindi man biglaan ay ang mahalaga ay hindi tayo sumusuko na lumakad kasama ng Panginoon sa dilim man o sa liwanag. Bagamat isang gulong ng palad ang buhay, bawat ikot nito ay mas pinagyayaman tayo ng mga karanasan na humuhubog sa ating kaluluwa upang maging mas mapagmahal at mas mapagunawa sa kapwa. Alaala natin na parehong paghihirap ang tiniis ni Jesus dahil sa lubos na pag-ibig. Ganoon din tayo tinatawag. Ito rin sanang parehong tibay at tunay na pag-ibig ang ating ipamahagi sa lahat sa ating “muling pagkabuhay”.

“Binuhay kayong muli kasama ni Cristo, kaya sikapin ninyong makamtan ang mga bagay na nasa langit kung saan naroon si Cristo na nakaupo sa kanan ng Dios. Doon ninyo ituon ang isip nʼyo, at hindi sa mga makamundong bagay. Sapagkat namatay na kayo sa dati nʼyong buhay, at ang buhay ninyo ngayon ay nakatago sa Dios kasama ni Cristo. Si Cristo ang buhay ninyo, at kapag dumating na ang panahon na nahayag na siya, mahahayag din kayo at makikibahagi sa kapangyarihan niya at karangalan.”

Colosas 3:1-4

~ Admin. Francesca Maria Margarita ~

Share this:

Leave a Reply