EASTER SUNDAY REFLECTIONS on DCF: “Ang Bagong Buhay Kasama ni Cristo”

Photo Image: The Son of God

Abril 1, 2018. Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ng Panginoon.

Salmo 118: Ito ang araw na ginawa ng Panginoon. Tayo’y magsaya at magalak. 

Ebanghelyo: Juan 20:1-9

Madilim-dilim pa nang unang araw ng sanlinggo, pumunta si Maria Magdalena sa libingan. Naratnan niyang naalis na ang batong nakatakip sa pinto ng libingan. Dahil dito, patakbo siyang pumunta kay Simon Pedro at sa alagad na mahal ni Jesus, at sinabi sa kanila, “May kumuha sa Panginoon mula sa libingan, at hindi namin alam kung saan siya dinala!”

Sina Pedro at ang nasabing alagad ay nagpunta sa libingan. Kapwa sila tumakbo ngunit si Pedro’y naunahan noong isa. Yumuko ito at sumilip sa loob ng libingan ngunit hindi pumasok. Nakita niyang nakalagay doon ang mga mamahaling tela. Nang dumating si Simon Pedro, tuluy-tuloy itong pumasok sa libingan at nakita nito ang mga telang lino, at ang panyong ibinalot sa ulo ni Jesus. Ang panyo ay hindi kasama ng mga mamahaling tela, kundi hiwalay na nakatiklop sa isang tabi. Pumasok din ang alagad na naunang dumating at nakita niya ito, at siya’y naniwala. Hindi pa nila nauunawaan noon na si Jesus ay kailangang muling mabuhay ayon sa kasulatan.

Pagninilay:

Maligayang Pasko ng Pagkabuhay sa ating Lahat!
Ngayong araw ay isang napakahalagang yugto sa ating buhay Kristiyano dahil ngayong araw nga ay nasaksihan natin ang tagumpay ng ating Panginoong Jesu Cristo mula sa kamatayan na dulot ng kasalanan. Kaya naman dahil bilang mga taga-sunod niya ay nagkaroon din tayo ng bagong buhay kasama ni Jesus at kay Jesus. Kung dati rati ay alipin tayo ng kasalanan, sa pamamagitan ni Cristo, ng kanyang simbahan at ng mga sakramento ay mayroon na tayong lakas na mula kay Cristo upang mapagtagumpayan din ang ating mga kahinaan.
Bagamat tayo’y mga tao na makasalanan, at paghihirap man ay bahagi na ng ating araw-araw na buhay, sa pamamagitan ni Cristo, ay naniniwala tayo na magiging maganda ang kahihitnatnan ng lahat. May pananampalataya tayo na si Cristo mismo ang lumalaban para sa atin dahil inako niya mismo ang lahat ng hirap at dusa bilang pag-aalay sa atin na mga minamahal ng Diyos. Ito nga ang simula ng ating buhay na may ibayong lakas na nagmumula kay Jesus at sa kanyang Krus.

Ngunit para makamtan natin ang bagong buhay na ito kailangan tayong manatili kay Cristo. Paano nga ba tayo mananatili sa ating Panginoon? Maaring isang karaniwang okasyon lamang ang araw na ito para sa iba ngunit dito lang nagkaroon ng saysay ang pagparito ni Cristo mula noong siya’y ipanganak, nagkawang-gawa, nagpagaling ng maysakit, nangaral hanggang sa magpasakit at namatay. Ngunit hindi ito “instant” o “automatic” na maidudulot sa atin. Dapat muna natin itong tanggapin sa ating mga puso at pagnilayan ang katotohanang ito. Ang bagong buhay natin na mula kay Cristo ay kailangan ng kooperasyon mula sa atin. Mayroon tayong kanya-kanyang tungkulin bilang mga taga-sunod ni Cristo. Unang-una, ang pagtanggap ng Mabuting Balita. Sa pagdalo natin sa Banal na Misa nang may buong pusong pagtanggap kay Cristo bilang ating tagapag-ligtas ay ginugunita natin ang tagumpay natin sa pamamagitan niya laban sa kasalanan. Hindi lamang ito sa tuwing panahon ng pista o espesyal na okasyon. Ngunit para sa ating mga Katoliko ay tuwing linggo ang obligasyon na sana ay natutupad natin bilang pagpapasalamat kay Cristo. Sa tuwa man o sa kahirapan ng ating buhay, marapat na dumulog tayo sa kanya at papurihan siya.

Dito sa buhay natin, ay mayroon lamang tatlong kalaban. Ang mundo, ang diablo at ang laman (the world, the devil and the flesh). Bahagi na ng buhay pananampalataya ang ating laban sa loob at labas ng ating sarili na lagi tayong gustong ilayo kay Cristo. Maging ang mga makamundong bagay at pagiging abala dito ay maaring maging daan para mailayo ang isip natin sa Diyos. Kung masyado nang puno ang puso natin ng pagkabagabag sa mga bagay na ito ay madaling makalimutan na ang Diyos nga pala ang gumagalaw para sa atin. Minsan naman kung masyado tayong nakatuon sa sarili nating kahinaan. Maging ang mga naunang alagad ni Jesus at una na nga dito si Maria ng Magdala ay naunang nagulumihanan at napuno ng kalungkutan ang puso noong hindi niya lubos maintindihan kung saan napunta ang Panginoon. Madalas ganito rin tayo. Pakiramdam natin ay tila “nawawala ang Panginoon” ngunit hindi ito totoo.

Ang Panginoon ay lagi nating kasama. Nasa puso natin siya naninirahan. Nasa simbahan ang kanyang Katawan at Dugo kung gusto nating tanggapin ito sa Banal na Misa o pag-alayan ng dasal sa mga “Blessed Sacrament” o “Adoration Chapel” ng mga simbahan. Si Cristo ay patuloy na nabubuhay dito mismo kasama natin. Ang problema ay wala sa ating Diyos ngunit nasa ating mga tao na mahirap makakita at makadinig. Kaya naman ngayong Pasko ng Pagkabuhay at hudyat ng limpampung araw ng panahon ng “Easter” ay damhin sana natin ang presensiya ng Panginoon sa atin. Sa pang-araw-araw nating buhay. Sa dasal man o sa gawa, ay alalahanin natin siyang tawagin dahil nabubuhay siya sa atin at kasama natin.

Salamantalahin natin ang pinakamagandang regalong ito sa atin ng ating Panginoon. Hindi ang materyal na bagay o anupaman kundi ang regalo ng kanyang “presensiya” o sarili sa ating lahat. Isang kaligayahan kasama niya na hindi natatapos kundi hanggang sa kabilang buhay. Sana ang ating buong buhay ay maging pasasalamat sa kanya. At kasama niya, alam nating kahit gaano pa ang dilim na dumampi sa ating buhay ay magiging matagumpay tayo laban dito. Sa kabila ng lahat, naniniwala tayo na si Cristo na ating Diyos ang siyang lalaban para sa atin sa lahat ng hamon ng buhay, hanggang sa makasama natin siya ng ganap sa buhay na walang hanggan.

Amen. +

Panalangin: Tumahimik sumandali at mangusap ng mataimtim kay Jesus na may matamis na ngiting naghihintay sa atin na makilala natin siya at Makita natin siya.

Isang mapagpalang Pasko ng Pagkabuhay sa ating lahat!

Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Copyright Reflections Written By:

Admin. Frances Mary Margaret

Share this:

Leave a Reply