EASTER WEDNESDAY REFLECTIONS: “Ang Paglalakbay Kasama ni Jesus Papuntang Emmaus”

Photo: Lumo Project

 

Abril 4, 2018. Oktaba sa Pasko ng Pagkabuhay

Ebanghelyo: Lucas 24:13-35*

Nang araw ding iyon, may dalawang alagad na naglalakad papuntang Emaus, isang nayong may labing-isang kilometro ang layo mula sa Jerusalem. Pinag-uusapan nila ang mga pangyayari. Habang sila’y nag-uusap, lumapit si Jesus at nakisabay sa kanila, ngunit siya’y hindi nila nakilala na para bang natatakpan ang kanilang mga mata. Tinanong sila ni Jesus, “Ano ba ang pinag-uusapan ninyo?”

Tumigil silang nalulumbay, at sinabi ni Cleopas, “Ikaw lamang yata ang dayuhan sa Jerusalem na hindi nakakaalam sa mga pangyayaring katatapos lamang maganap doon.”

“Anong pangyayari?” tanong niya.
Sumagot sila, “Tungkol kay Jesus na taga-Nazaret, isang propetang makapangyarihan sa salita at gawa maging sa harap ng Diyos at ng mga tao. Isinakdal siya ng aming mga punong pari at mga pinuno ng bayan upang mahatulang mamatay, at siya’y ipinako sa krus. Siya pa naman ang inaasahan naming magpapalaya sa Israel. Hindi lamang iyan. Ikatlong araw na ngayon mula nang mangyari ito. Nabigla kami sa ibinalita ng ilan sa mga babaing kasamahan namin. Maagang-maaga raw silang nagpunta sa libingan at hindi nila natagpuan ang kanyang bangkay. Nagbalik sila at ang sabi’y nakakita raw sila ng isang pangitain, mga anghel na nagsabing si Jesus ay buháy. Pumunta rin sa libingan ang ilan sa mga kasama namin at ganoon nga ang natagpuan nila, ngunit hindi nila nakita si Jesus.”

Sinabi sa kanila ni Jesus, “Hindi ba kayo makaunawa? Bakit hindi kayo makapaniwala sa lahat ng sinasabi ng mga propeta? Hindi ba’t kailangang ang Cristo ay magtiis ng lahat ng ito bago niya makamtan ang kanyang marangal na katayuan?” At patuloy na ipinaliwanag sa kanila ni Jesus ang lahat ng sinasabi sa Kasulatan tungkol sa kanyang sarili, simula sa mga aklat ni Moises hanggang sa mga sinulat ng mga propeta.

Malapit na sila sa nayong kanilang pupuntahan at si Jesus ay parang magpapatuloy pa sa paglakad, ngunit siya’y pinigil nila. “Tumuloy ka muna rito sa amin. Malapit na ang gabi, dumidilim na,” sabi nila. Kaya’t sumama nga siya sa kanila. Nang siya’y kasalo na nila sa pagkain, dumampot siya ng tinapay at nagpasalamat sa Diyos; pagkatapos, pinagpira-piraso iyon at ibinigay sa kanila. Noon nabuksan ang kanilang mga mata at nakilala nila si Jesus, subalit siya’y biglang nawala sa kanilang paningin. Nasabi nila sa isa’t isa, “Kaya pala nag-uumapaw ang ating pakiramdam habang tayo’y kinakausap niya sa daan at ipinapaliwanag ang mga Kasulatan!”

Agad silang tumayo at nagbalik sa Jerusalem. Naratnan nilang nagkakatipon doon ang labing-isa at ang ibang kasamahan nila. Sinabi ng mga ito sa dalawa, “Totoo nga palang muling nabuhay ang Panginoon! Nagpakita siya kay Simon!” At isinalaysay naman ng dalawa ang nangyari sa daan at kung paano nila nakilala si Jesus nang paghati-hatiin nito ang tinapay.

Pagninilay:

Minsan sa ating buhay may mga tao o pangyayari na ipararamdam sa atin ang kakaibang pagmamahal o kabutihan – isang karanasan na hindi natin malilimutan. Maaring sa gitna ng mga mabibigat na pagsubok ay mayroong mangyayari na mas magpapaigi ng kalagayan o may darating na tulong na hindi inaasahan. Bagamat tila wala tayong pag-asa at dismayado na sa bigat ng pagsubok ay saka may mangyayaring tila isang himala. Tulad ito ng naranasan ng dalawang disipulo sa daan papuntang Emmaus. Nakasama nila si Jesus at naglakad kasama nila ngunit hindi nila lubos maunawaan sa isip ang mga bagay na tungkol din kay Jesus. Kahit pa si Jesus ay naroroon na rin kasama nila. Lalong hindi nila ito nakilala at nagpatuloy lamang sa diskusyon ukol sa mga kaganapan kay Jesus.

Ngunit noong mas nakasama pa nila si Jesus at hinati Niya ang tinapay tulad ng ginagawa sa Banal na Misa hanggang sa kasalukuyan ay namulat ang kanilang mata. Gaya natin, sa pamamagitan ng pagtanggap sa Dugo at Katawan ni Cristo, ang mata natin mabubuksan sa katotohanan. Sa pananatili kay Cristo sa ating mga panalangin at pagtanggap sa kanya sa Sakramento ng Banal Eukaristiya ay hindi kalaunan ay mauunawan din natin ang mga bagay na hindi man natin maunawaan ngayon. Tulad ng mga alagad ni Jesus, kailangan lamang natin na manatili at patuloy na manampalataya sa kanya dahil si Jesus ay kasama natin lagi-lagi sa mga tao, bagay, at oras na hindi natin inaasahan.

Panalangin: Panginoon, tulungan mo akong manatili sa iyo. Bigyan mo ako ng lakas at kabukasan ng puso upang ikaw ay aking makita at mahalin pa sa abot ng aking makakaya. Wala nang hihigit pa sa walang hanggang saya at galak na makasama ka aking Diyos.

Amen. +

Isang mapagpalang Miyerkules sa ating lahat!

Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Copyright Reflections Written By:

Admin. Francesca Maria Margarita

Share this:

Leave a Reply