GOOD FRIDAY REFLECTIONS on DCF: “Ang Pagkamatay ni Jesus”

Photo Image: Passion of Christ

Marso 30, 2018. Araw ng Pag-aayuno Edad 18 Hanggang 59 at
Abstinensiya sa Pagkain ng Karne Edad 14 Pataas.

Salmo 31: Ama, sa mga kamay mo habilin ko ang buhay ko.

Ebanghelyo: Juan 18:1-19:42*

(…) Araw noon ng Paghahanda sa Paskwa, at mag-aalas dose na ng tanghali. Sinabi ni Pilato sa mga Judio, “Narito ang inyong hari!”
Sumigaw sila, “Patayin siya! Patayin! Ipako sa krus!”

“Ipapako ko ba sa krus ang inyong hari?” tanong naman ni Pilato. Sumagot ang mga punong pari, “Wala kaming hari kundi ang Emperador!”
Kaya’t ibinigay sa kanila ni Pilato si Jesus upang siya’y maipako sa krus.

Kinuha nga nila si Jesus. Inilabas siyang pasan ang kanyang krus papunta sa lugar na kung tawagi’y “Lugar ng Bungo,” Golgotha sa wikang Hebreo. Pagdating doon, siya’y ipinako sa krus, kasama ng dalawa pa; isa sa gawing kanan at isa sa kaliwa. Isinulat ni Pilato ang ganitong mga salita at ipinalagay sa krus: “Si Jesus na taga-Nazaret, ang Hari ng mga Judio.” Nasusulat ito sa mga wikang Hebreo, Latin, at Griego. Marami sa mga Judio ang nakabasa nito sapagkat malapit lamang sa lunsod ang dakong pinagpakuan kay Jesus. Kaya’t ipinagpilitan ng mga punong pari kay Pilato, “Hindi sana ninyo isinulat ang ‘Ang Hari ng mga Judio’, kundi, ‘Sinabi ng taong ito, Ako ang Hari ng mga Judio.’”
Ngunit sumagot si Pilato, “Ang naisulat ko’y naisulat ko na.”

Nang si Jesus ay maipako na ng mga kawal, kinuha nila ang kanyang panlabas na kasuotan at pinaghati-hati sa apat. Kinuha rin nila ang kanyang mahabang panloob na kasuotan; ito’y walang tahi at hinabi nang buo mula sa itaas hanggang sa ibaba. Kaya’t nag-usap-usap ang mga kawal, “Huwag nating punitin ito; daanin na lamang natin sa palabunutan para malaman kung kanino ito mapupunta.” Sa gayon, natupad ang isinasaad ng Kasulatan,
“Pinaghati-hatian nila ang aking kasuotan;
at nagpalabunutan sila kung kanino mapupunta ang aking damit.”
Ganoon nga ang ginawa ng mga kawal.

Nakatayo sa tabi ng krus ni Jesus ang kanyang ina at ang kapatid nitong babae, si Maria na asawa ni Cleopas, at si Maria Magdalena. Nang makita ni Jesus ang kanyang ina at ang minamahal niyang alagad na nasa tabi nito, sinabi niya, “Ina, ituring mo siyang sariling anak!”

At sinabi niya sa alagad, “Ituring mo siyang iyong ina!” Mula noon, sa bahay na ng alagad na ito tumira ang ina ni Jesus.

Alam ni Jesus na naganap na ang lahat ng bagay. Kaya’t upang matupad ang kasulatan ay sinabi niya, “Nauuhaw ako!”

May isang mangkok doon na puno ng maasim na alak. Inilubog nila rito ang isang espongha, ikinabit iyon sa isang tangkay ng hisopo at idiniit sa kanyang bibig. Nang masipsip na ni Jesus ang alak, sinabi niya, “Naganap na!” Iniyuko niya ang kanyang ulo at nalagot ang kanyang hininga.

(…) Subalit sinaksak ng isang kawal ang tagiliran ni Jesus sa pamamagitan ng sibat at agad dumaloy ang dugo at tubig. Ang nakakita nito ang nagpahayag upang kayo’y maniwala. Totoo ang kanyang pahayag at alam niyang katotohanan ang sinasabi niya. (…) At may bahagi pa rin ng kasulatan na nagsasabi, “Pagmamasdan nila ang kanilang sinaksak ng sibat.”

Pagkatapos nito, si Jose na taga-Arimatea ay nagsadya kay Pilato upang humingi ng pahintulot na makuha ang bangkay ni Jesus. Si Jose ay isang alagad ni Jesus, ngunit palihim lamang dahil sa takot niya sa mga Judio. Pinahintulutan naman siya ni Pilato, kaya’t kinuha niya ang bangkay ni Jesus. Kasama rin niya si Nicodemo, ang taong nagsadya kay Jesus isang gabi. May dala siyang pabango, mga tatlumpung kilong pinaghalong mira at aloe. Kinuha nila ang bangkay ni Jesus at nilagyan ng pabango habang binabalot sa isang mamahaling tela, ayon sa kaugalian ng mga Judio.

Malapit sa pinagpakuan kay Jesus ay may isang halamanan, at dito’y may isang bagong libingang hindi pa napaglilibingan. Dahil noon ay bisperas ng Araw ng Pamamahinga, at dahil sa malapit naman ang libingang ito, doon nila inilibing si Jesus.

Pagninilay:

Lahat tayo ay darating sa kamatayan ngunit hindi katulad ng dati, tayong mga taga-sunod at nananampalataya kay Cristo ay naniniwala sa buhay na walang hanggan. Isang Paraiso kung saan makakasama natin ang Diyos nang may buong galak at pag-ibig na walang hanggan. Ngunit bago mangyari lahat ng iyon, dito sa lupa tayo ay pawang mga manglalakbay pa lamang. Gaya ni Jesus na naparito sa lupa dahil sa isang misyon. Tayo rin ay may kanya-kanyang misyon sa ating buhay. Naitanong na ba ang sarili, “Ano ang aking misyon sa buhay?” Anuman ang sagot dito, iisa ang tiyak at ito ay ang ating misyon ay umiikot sa Pag-ibig mula sa Diyos sa pamamagitan ni Cristo na unang nagmahal sa atin at nagbilin na mahalin ang isa’t isa. Ito rin iaalay natin sa kanya. Anuman ang sabihin, gawin natin sa ngalan ng pagmamahal.

Kaya naman bilang mga Kristiyano, tinatawag tayo upang ipunin ang kayamanan na ating madadala hanggang Paraiso kasama ni Jesus. Hindi ito materyal na bagay, magarbong bahay, palasyo, mamahaling kotse o anupaman, lahat ito ay lumilipas at hindi nagtatagal. Ang tanging kayamanan na ating dapat ipunin ay ang kayamanan ng pagmamahal, pagbibigayan at paglilingkod sa kapwa na tanging makakamit lamang sa pamamagitan ng pagbubuhat ng ating mga Krus sa buhay o sakripisyo.

Sa ating buhay, kung saan marami sa atin ay sa pagsasakripisyo umiikot ang buhay. Para sa ating mga minamahal na kapamilya, anak man o asawa, nanay at tatay natin. Sa pamamagitan nito, naipapadama ang ating pag-ibig sa kanila. Maraming mga manggagawa ang sa ibang bansa ang piniling malayo sa pamilya para lamang mas makapagbigay ng magandang kinabukasan. Sa oras ng pagkakasakit at anumang unos sa buhay, ang mga magulang ang isa sa mga unang taong iiwan maging ang trabaho upang maalagaan lamang ang anak na may kailangan sa kanya.

Sa buhay natin na umiikot sa pagmamahal at sa sakripisyo na kaabikat nito, ay may lakas na napapaloob mula lamang sa Diyos at hindi sa atin. Tiniis ng Diyos ang lahat ng hirap hanggang kamatayan para sa atin kaya’t ganun din ang pagtitiis at pagtitiyaga sa ating buhay alang-alang sa mga minamahal. Ngunit hindi natin ito kaya mag-isa. Magagawa lamang natin ito sa pamamagitan din ng lakas na nagmumula kay Cristo. Dahil kay Jesus, ang simbolo ng Krus ay hindi isang simbolo ng kamatayan ngunit ng isang ganap na pagmamahal. Hindi lang para kay Jesus ngunit para sa ating lahat na naniniwala sa kanya. Ang Krus na ito ang siyang daan ng tunay na pagmamahal, gaya ng ipinamalas ng ating Panginoon ngayong araw na ito. Ang parehong Krus na ito ang siyang magdadala sa atin sa buhay na walang hanggan. Sa pamamagitan ng pagsasakripisyo lalung-lalo na ng pag-aalay ng buhay gaya ng ginawa ng ating Panginoon, napapagtibay ang pag-ibig natin sa Diyos at sa isa’t-isa.

Sana sa mga pagkakataong ito ay maalala natin na kailanman ay hindi nagtatagumpay at hindi nagtatagal ang mga pasakit at dusa sa buhay para sa atin na nagmamahal kay Jesus. Ang pag-asa na nanalaytay sa Krus ang nagbibigay sa atin ng kabuhayan ng loob sa oras ng ating suliranin dahil alam natin na muli tayong mabubuhay muli kasama ni Jesus. Lahat ng bagay, pagsubok at mga inaalala ay lilipas din ngunit ang Diyos ay hindi kailanman lilipas.

Kaya namang ngayon Biyernes Santo, ay magandang pagnilayan bilang mga taga-sunod ni Cristo, ano ang ating iaalay para sa kanya na ipapako din natin sa Krus kasama niyang mamatay? Sa oras ng kahinaan ay sana hilingin natin na bigyan niya tayo ng lakas, kung may mga bagay man tayong hirap pang bitawan ngayon. Pagpapatawad, mga sama ng loob, mga kasinungalingan, pagkukunwari, at mga maling gawain.

Lahat ito ay ialay at isuko natin sa Panginoon tulad ng pagsuko ni Cristo sa Ama “Ama, sa mga kamay mo habilin ko ang buhay ko”.

Amen. +

Panalangin: Salamat Jesus, sa iyong dakilang pag-aalay para sa akin ng iyong buhay. Hindi ako karapat-dapat pag-alayan ng iyong pagmamahal, lalung-lalo pa ng iyong buhay. Ikaw ay aming Diyos ay ako ay isang hamak na makasalanan lamang. Ngunit binigay mo ito sa akin ng kusa dahil sa iyong walang hanggang kabutihan upang ako’y mailigtas.

Biyayaan mo ako ng lakas ng loob at tiyaga upang makayanan ang Krus ng aking buhay dahil napagtagumpayan mo na ito para sa akin. Turuan mo akong tumugon sa iyong pagmamahal sa bawat araw ng aking buhay para sa iyo. Amen. +

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!

Copyright Reflections Written By:

Admin. Francesca Maria Margarita

Share this:

Leave a Reply