HOLY WEEK GOSPEL REFLECTIONS on DCF:

Photo Image: Universovozes

 

Marso 29, 2018. Huwebes Santo. Pagmimisa sa Patatakipsilim sa Paghahapunan ng Panginoon.

Salmo 116: Sa kalis ng pagbabasbas si Kristo ang tinatanggap.

Ebanghelyo: Juan 13:1-15

Bisperas na noon ng Paskwa. Alam ni Jesus na dumating na ang panahon ng kanyang pag-alis sa daigdig na ito upang bumalik sa Ama. Mahal niya ang kanyang mga tagasunod na nasa daigdig, at sila’y iniibig niya hanggang sa wakas.

Sa panahon ng hapunan, inilagay na ng diyablo sa isip ni Judas, na anak ni Simon Iscariote, na ipagkakanulo niya si Jesus sa mga Judio. Nalalaman ni Jesus na ibinigay na ng Ama sa kanya ang buong kapangyarihan; alam din niyang siya’y mula sa Diyos at babalik sa Diyos. Kaya’t siya’y tumayo mula sa hapag, nag-alis ng panlabas na balabal at nagbigkis ng tuwalya sa baywang.

Pagkatapos, naglagay siya ng tubig sa palanggana, at sinimulang hugasan ang paa ng mga alagad at pinunasan ng tuwalyang nakabigkis sa kanyang baywang.

Paglapit niya kay Simon Pedro, tumutol ito. Sabi niya, “Panginoon, kayo ba ang maghuhugas ng aking mga paa?”
Sumagot si Jesus, “Hindi mo nauunawaan ngayon ang ginagawa ko, ngunit mauunawaan mo rin pagkatapos.”
Muling nagsalita si Pedro, “Hinding-hindi ko pahuhugasan sa inyo ang aking mga paa!” Ngunit sinabi ni Jesus, “Malibang hugasan kita, wala kang bahagi sa akin.”

Dahil dito’y sinabi ni Simon Pedro, “Kung gayon, hindi lamang ang mga paa ko, kundi pati na rin ang aking mga kamay at ulo!”
Sumagot si Jesus, “Ang nakapaligo na ay hindi na kailangang hugasan pa maliban sa kanyang mga paa, sapagkat malinis na ang buo niyang katawan. At kayo’y malinis na, subalit hindi lahat.” Dahil kilala ni Jesus kung sino ang magkakanulo sa kanya, sinabi niyang malinis na sila, subalit hindi lahat.

Nang mahugasan na ni Jesus ang kanilang mga paa, muli niyang isinuot ang kanyang balabal at nagbalik sa hapag. Siya’y nangusap sa kanila, “Nauunawaan ba ninyo kung ano ang ginawa ko sa inyo? Tinatawag ninyo akong Guro at Panginoon, at tama kayo, sapagkat ako nga iyon. Dahil akong Panginoon at Guro ninyo ay naghugas ng inyong mga paa, dapat din ninyong gawin ito sa isa’t isa.

Binigyan ko kayo ng halimbawa upang inyong tularan.

Pagninilay:

Dumating na nga ang mga sandali na huhulihin na ang ating Panginoon para ipapatay ngunit bago man ang mga sandaling iyon ay ipinakita ni Jesus sa pamamagitan ng ehemplo ang kalahagahan ng kababaan ng loob sa kanyang mga alagad. Bagamat siya ay Diyos, pinili niyang magkababa at nagkatawang tao siya upang tayo ay mailigtas.
Sa ebanghelyo ngayong araw ay hinubad ni Jesus ang kanyang panglabas na kasuotan, simbolismo ito ng ating dapat tularan. Para tayo ay magpakababa sa harapan ng Diyos at sa ating kapwa, kailangan din nating tanggalin ang ating mga panglabas na maskara, ang ating pagiging hindi totoo sa sarili at sa kapwa, ang ating mga pagkukunwari, pagmamataas at pagmamagaling. Lahat ito sa harapan ng Diyos ay pawang mga walang bisa sapagkat wala tayong maitatago sa kanya.

Ang tubig na ginamit panghugas ay simbolo ng paglilinis ng kasalanan. Aminin natin, lahat tayo dito sa lupa ay makasalanan. Lahat tayo ay may kanya-kanyang dumi sa paa. Ngunit dito tayo matututo sa ginawa ni Jesus, siya mismo ang naglingkod para mahugasan ito at malinis. Dahil dito kailangan niya magpakababa. Ginawa niya ito upang tularan natin at mas maintindihan, sapagkat likas sa ating mga tao ang mapagmataas. Kung makakita tayo ng dumi sa paa ng iba, o pagkakamali ng ating kapwa, ano ang ating madalas gawin? Madalas, pinagtatawanan pa natin sila at kinukutya. Nakakalimutan natin ang sariling dumi sa paa. Iba si Jesus at ang kanyang mensahe para sa atin. Ang tunay na pag-ibig na mula sa Diyos, hindi nagbibilang ng mali, hindi nanunumbat o nagmamataas (1 Cor 13). Bagkus, ito ay buong kababaang loob na nananatili ang lakas, nagiging daan na tama upang akayain ang mga bulag at pipi sa puso at isip patungo kay Jesus.

Sa mga pagkakamali natin at ng mga mahal natin sa buhay, hindi ba’t napakadaling magkimkim ng galit at sama ng loob ngunit hindi natin namamalayan na ito mismo ang nagaalipin sa atin? Kailan kaya sa buhay natin na tulad ni Jesus, may mga gagawa at gumagawa man ng hindi maganda sa atin, ay patuloy pa rin na nagmamahal, naghihintay, at sa kabila nito ay aakayin pa ang lahat papunta sa Diyos? Unang-una sa pamamagitan ng pagdarasal at pagpapakatotoo sa harapan ng Diyos. Aminin natin ang sarili nating kahinaan sa kanyang harapan at siya mismo ang mag-aangat sa atin, dahil bibigyan niya tayo ng lakas na mula sa kanya na hindi nauubos sa panahon ng mga unos.

May dalawa lamang na kahihinatnan ang mga hindi magagandang karanasan at bagay dito sa mundo, maging ang pagkakamali na nakikita natin sa iba ay may dalawa lamang patutunguhan at epekto sa ating pagkatao. Depende sa ating pipiliin. Una ang mga pagkakamali ng iba ay magdudulot sa atin ng pagkaawa sa kanila na nagmumula sa tunay na pagmamahal. Ito ang magtutulak sa atin upang maglingkod at magsilbi dahil ala-ala natin ang sarili nating paghihirap noon maging ang pagpapakasakit ni Jesus. O kaya naman ay ikalawa, mapupuno ang puso natin ng pangungutya at panghuhusga sa kapwa dahil nakalimutan natin ang sariling pagkakamali at nawala na rin sa isip ang itinuro ni Jesus na “hugasan ang paa ng isa’t isa” at maglingkod sa isa’t isa mula sa pagmamahal.

Si Jesus na Diyos ay naggawang magpakababa alang-alang sa pagmamahal, tayo pa kaya na tao lamang?

Sa lahat ng ito ay alalahanin din natin na hindi natin magagawa ang unang landas na siyang tinahak mismo ni Jesus, kung hindi natin tatanggalin ang mga pangibabaw o mga panglabas na pagkukunwari na mayroon tayo. May panahon pa upang magpakatotoo sa sarili at sa Diyos na naghihintay sa atin anumang oras na lumapit tayo sa kanya.

Tanungin sa sarili at suriin, ano nga ba ang dapat kong tanggalin na panglabas upang mailabas ko sa Panginoon ang aking totoong sarili na may sariling kahinaan din?

Panalangin: Panginoong Jesus, ako ang dahilan ng lahat ng iyong paghihirap at pagpapakasakit sa Krus. Ang mga kasalanan ko ang nagpako sa iyo at naging dahilan ng iyong pagkamatay. Pinili mo ito para sa akin, upang ako’y makasama mo sa iyong kaharian habang buhay. Buong pagmamahal mo itong pinili upang ako’y mabuhay. Salamat sa iyo, aking Jesus.

Ngayo’y ang aking puso ay nahahati pa sa aking sariling kahinaan at sa iyong lakas na nagtatagumpay laban sa lahat ng masama at kamatayan.

Tulungan mo ako, Panginoon. Gusto kong malaman at maranasan ang kabuuan ng iyong pagmamahal na nagligtas sa akin at magliligtas pa ng maraming tao sa aming buhay sa mundo sa kasalukuyan.

Bigyan mo ako ng lakas upang ako’y makapaglingkod at makapagmahal ng dakila tulad mo at sa iyo nang maging daan din ako ng kaligtasan ng aking kapwa.

Amen. +

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!

Copyright Reflections Written By:

Admin. Francesca Maria Margarita

Share this:

Leave a Reply