Q and A Catholic Apologetics

Q. Bakit hindi po nag-aasawa ang mga pari? Bakit po bawal ang pag-aasawa sa kanila? Ang sabi po sa amin ng pastor namin ay aral daw po ng demonyo ang di pag-aaswa ng pari (1 Timothy 4:1-3), totoo po ba ito?
 
A. Una, nais ko po munang linawin na ang di pag-aasawa ng mga pari sa simbahang Katoliko ay hindi aral o dogma, iyon po ay isang disiplina na ipinatupad ng Simbahang Catholica (Western ‘Latin’ Church) sa mga nagnanais na maglingkod bilang Pari. Samantalang para naman sa mga Greek/Russian Orthodox Churches (Eastern orthodoc Churches) ipinapahintulot namang maging pari ang mga lalaking may asawa (CCC 1580). Lingid sa kaalaman ng mga nakararami, tinatanggap ng Simbahang Catholica ang mga paring may asawa mula sa mga Anglican, Episcopal at Lutheran Protestant Churches na nagconvert na sa pagiging Catholic. Pangalawa, nais ko rin pong linawin na hindi po ipinagbabawal ng Simbahang Catholica ang pag-aasawa kaya hindi po tama na paratangan ang simbahan na nagtuturo diumano daw ito ng aral ng demonyo (1 Timothy 4:1-3). Ang mga sekta at denominasyon na tahasang nagbabawal ng pag-aasawa sa kanilang mga miyembro ay ang mga “Cathar” sa Europa (12th – 13th century) at “Shaker” sa Estados Unidos hindi po ang Simbahang Catholica.
 
Hindi po pinagbawalan ang mga pari na mag-asawa, PILINILI nila ang maging celibate para sa kaharian ng Diyos at para sa sumasampalataya. Ang pagpili na mamuhay bilang Celibate (walang asawa) ay hindi aral ng demonyo kundi aral mismo ni Cristo: ” For some are EUNUCHS (HINDI NAG-AASAWA) because they were born that way; others were made that way by men; and others have renounced marriage because of the kingdom of heaven. The one who can accept this should accept it.” (Mateo 19:12). Ito ay pagtalima sa sinabi ni Cristo na: ” Kung ang sinomang tao’y ibig sumunod sa akin ay tumanggi sa kaniyang sarili, at pasanin ang kaniyang krus, at sumunod sa akin. ” (Mateo 16:24), at ang isa nga sa mga halimawa niyan na iniwan ang lahat para lamang sumunod kay Cristo ay si Apostol San Pedro: ” Narito! Iniwan na namin ang lahat ng mga bagay at sumunod sa iyo.” (Mateo 19:27) at si Apostol San Pablo na piniling hindi mag-asawa para sa kaharian ng langit: ” Ngayon, sa mga WALANG ASAWA at sa mga biyuda, sinasabi ko: MABUTI para sa kanila na MANATILING WALANG ASAWA, tulad ko.” (1 Corinthians 7:8). Pinayuhan tayo ni Apostol Pablo na tularan natin sya kagaya ng pagtulad nya kay Cristo (1 Corinto 11:1) na mas minabuting hindi mag-asawa (I Cor. 11:1) para sa kaharian ng langit (Mateo 19:12). Kaya, ang hindi pag-aasawa ng mga pari sa simbahang katoliko ay hindi aral ng demonyo kundi mga aral at palatuntunan ng Diyos.
 
Ngayon ano ang isa pang dahilan kung bakit pinili ng mga pari ang hindi mag-asawa? Ipinakita ni Apostol San Pablo ang buhay at alalahanin ng isang may asawa at walang asawa: ” Datapuwa’t ang ibig ko ay mawalan kayo ng kabalisahan. ANG WALANG ASAWA AY NAGSUSUMAKIT SA MGA BAGAY NG PANGINOON, KUNG PAANONG MAKALULUGOD SA PANGINOON: Nguni’t ang may asawa ay nagsusumakit sa mga bagay ng sanglibutan, kung paanong makalulugod sa kaniyang asawa, AT NAGKAKABAHAGI ANG ISIPAN. Gayon din naman ang babaing walang asawa at ang dalaga, ay nagsusumakit sa mga bagay ng Panginoon, UPANG SIYA’Y MAGING BANAL SA KATAWAN O ESPIRITU MAN; nguni’t ang babaing may asawa ay nagsusumakit sa mga bagay ng sanglibutan, kung paanong makalulugod sa kaniyang asawa. At ito’y sinasabi ko sa inyong sariling kapakinabangan; hindi upang alisin ko ang inyong kalayaan, kundi dahil sa bagay na nararapat, at UPANG KAYO’Y MAKAPAGLINGKOD SA PANGINOON NANG WALANG ABALA. ” (I Cor. 7:32-35). Iyan ang dahilan kung bakit ang mga kaparian at mga madre at mga relihiyoso at relihiyosa sa simbahang Katoliko ay PINILI na di nalang mag-asawa upang kanilang “mapaglingkuran ang Panginoon nang walang abala” at ” hindi hati ang pag-iisip”. Magbibigay ako ng halimbawa, Kung ikaw ay pari at may asawa kang buntis at nasa kabuwanan na, at natapat na habang nasa kalagitnaan ka ng Misa sa pagdiriwang ng Eucharistia at nasabay namang manganganak na ang asawa mo, alin sa dalawa ang uunahin mo? Ang dahilhin sa ospital ang asawa mo o ituloy mo at tapusin ang pagdiriwang mo ng Misa? Kung may anak ka na pumapasok sa paaralan at pinapatawag ka sa paaralan at nasabay na may sick calll ka mula sa pamilya ng may sakit na naghihingalo na at humuhiling ng huling sacramento, alin ang uunahin mo, ihatid sa eskwelahan ang anak mo o ang kaluluwa nung naghihingalo na humihingi ng sakramento, na isa mo ding obligasyong unahin at puntahan? Naiintindihan na ba natin ang ginawang paghahambing ni Apostol San Pablo sa buhay ng may asawa at wala. Kaya iyan ang dahilan kung bakit PINILI ng mga pari ang di Mag-asawa.
 
Ngunit maaring ikatwiran ng ating mga kaibayo sa pananampalataya na si Pedro ay may asawa (Mt 8:14-15) kaya di daw tama ang sacerdotal celebacy na isinasabuhay ng mga paring katoliko. Oo tama sila, may biyenan si apostol Pedro, ngunit gaya nga ng sinabi na natin sa unahan iniwan iyon lahat ni San Pedro: ” Narito! Iniwan na namin ang lahat ng mga bagay at sumunod sa iyo.” (Mateo 19:27) upang pasanin ang kanyang Krus at sumunod kay Cristo (Mateo 16:24). Maari din nilang ipukol ang nasa 1 Timothy 3:2 na nagsasabing ang Obispo ay may isang asawa lamang. Ang binabangga po diyan ni apostol Pablo ay ang mga Poligamists, mapapansin nyo din na hindi po isang pre-requisit para sa isang magiging obispo ang pagkakaroon ng isang asawa, hindi naman po sinabi duon na dapat may isa ka munang asawa, wala pong ganyan sinabi si Apostol Pablo sa talata. Ngunit kung ipagpipilitan talaga nilang ang Obispo ay dapat isang may asawa ay dapat po muna nila ikonsidera ang nasa 1 Timothy 3:4 na nagsasabing ang isang obispo ay may mga anak, MGA ANAK, kung kukunin natin ang interpretation nila ay lalabas na kailangan pag obispo ka ay dapat higit sa isa ang anak mo, which is not true at maging sila ay hindi sasang-ayon at lalabas na si apostol Pablo na isang tagapangasiwa at Obispo ng Simbahan ay isang ipokrito at kinokontra ang sarili sapagkat sya man ay walang asawa (I Cor. 11:1), bagay na hindi maaring mangyari at hindi katanggap-tanggap.
 
Ang buhay bilang isang celibate (walang asawa) at ang buhay may asawa (married life) ay kawang regalo at biyaya ng Diyos sa tao, kung alin ba ang ipagkakaloob nya sa bawat isa sa atin. Hindi labag sa Diyos ang di pag-aasawa, sa katunayan nga ay inerekumenda ng Diyos ang celibacy sa kanyang proeta na si Jeremias (Jeremiah 16:1-2). Ang Celibacy po, tandaan natin, ay hindi aral ng demonyo na tulad ng ipinupukol sa atin ng ating mga kaibayo sa pananampalataya.
 
Ad Majorem Dei Gloriam!
 
Pro Deo et Ecclesia!
Soluta est Veritas!
Share this:

Leave a Reply