Simbahang Katolika naghatid ng tulong sa mga bakwit sa Marawi

Hindi naging hadlang sa mga Kristiyano ang pagkakaiba ng pananampalataya sa paghatid ng tulong sa mga bakwit mula sa Marawi City.

Ito ang pinatunayan ng Diocese of Iligan, Caritas Manila, at Radyo Veritas matapos magtungo at maghatid ng tulong sa mga evacuation center sa Iligan city, at gayundin para malaman ang pangangailangan ng mga bakwit.

Ayon kay Rev.Fr. Ricardo Valencia, priest minister ng Caritas Damayan Program ng Caritas Manila, patuloy ang pangangailangan ng mga nagsilikas dahil sa kaguluhan sa Marawi kaya’t magpapatuloy din ang Simbahan sa pag-agapay sa kanila.

“We need to continue our efforts to help our brothers and sisters who are affected by this unfortunate event,” pahayag ni Father Valencia.

Sa panayam ng Radyo Veritas, inihayag ni Sr. Betsy España, isa sa mga in-charge sa evacuation assistance ng Diocese of Iligan, na maliban sa pagkain ay suliranin ngayon ng mga bakwit ang mga personal na pangangailangan katulad ng undergarments, hygiene kits, tuwalya at mga higaan.

“Bukod sa food items may mga pangangailangan sila na kailangan din bigyan pansin lalo na’t nagtatagal na sila sa mga evacuation center” pahayag ni Sr. España.

Kaugnay nito, inihayag ni Rev. Father Anton Pascual, executive Director ng Caritas Manila, na muling magpapadala ang social arm ng Archdiocese of Manila ng P500,000 para sa relief and rehabilitation ng mga nagsilikas na residente.

“We (Caritas Manila) have another P500,000 for relief and rehab,” mensahe ni Fr. Pascual, na siya ring pangulo ng Radyo Veritas.

Nauna nang nagpadala ng P500,000 na ayuda at 100 sako ng bigas ang Caritas Manila para sa mga lumikas na residente ng Marawi.

Read: Obispo ng Marawi labis ang pasasalamat sa cash at rice donation ng Caritas Manila

Kamakailan, ipinag-utos din ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa Archdiocese of Manila ang pagsagawa ng second collection para sa mga lumikas na residente ng Marawi dahil sa kaguluhan.

Batay sa datos, aabot sa 3,463 Pamilya ang nananatili sa iba’t-ibang evacuation Camps sa Iligan habang nasa mahigit 11,000 naman ang nakituloy sa kanilang mga kaanak. —LBG, GMA News

Source: http://www.gmanetwork.com/news/news/ulatfilipino/616161/simbahang-katolika-naghatid-ng-tulong-sa-mga-bakwit-sa-marawi/story/

Share this:

Leave a Reply