TODAY’S GOSPEL REFLECTIONS on DCF: “Ang Pagpapakain sa Limanlibo”

Photo: Lumo Project

Abril 13, 2018. Ika-2 Linggo sa Pasko ng Pagkabuhay

Ebanghelyo: Juan 6:1-15*

Pagkatapos nito, tumawid si Jesus sa ibayo ng Lawa ng Galilea, na tinatawag ding Lawa ng Tiberias. Sinundan siya ng napakaraming tao sapagkat nakita nila ang pagpapagaling niya sa mga maysakit. Umakyat si Jesus sa bundok kasama ang kanyang mga alagad at naupo roon. Noon ay malapit na ang Paskwa ng mga Judio. Tumanaw si Jesus at nang makita niyang dumarating ang napakaraming tao, tinanong niya si Felipe, “Saan kaya tayo makakabili ng tinapay upang makakain ang mga taong ito?” Sinabi niya iyon upang subukin si Felipe, sapagkat alam na niya ang kanyang gagawin.

Sumagot naman si Felipe, “Kahit na po halagang dalawandaang salaping pilak (salaping pilak: “Ito ay katumbas ng maghapong sahod ng isang karaniwang manggagawa. ng tinapay ay di sasapat para makakain sila nang tigkakaunti.”)

Sinabi ni Andres na isa sa kanyang mga alagad at kapatid ni Simon Pedro, “Mayroon po ritong isang batang lalaki na may dalang limang tinapay at dalawang isda. Subalit sasapat kaya ang mga ito?”
“Paupuin ninyo ang mga tao,” sabi ni Jesus. Madamo sa lugar na iyon. Umupo nga ang lahat, humigit-kumulang sa limanlibo ang mga lalaki. Kinuha ni Jesus ang tinapay at matapos magpasalamat sa Diyos ay ipinamahagi iyon sa mga tao. Gayundin ang ginawa niya sa isda. Nakakain ang lahat at nabusog. Nang makakain na ang mga tao, sinabi ni Jesus sa mga alagad, “Ipunin ninyo ang lumabis nang di masayang.” Ganoon nga ang ginawa nila, at nakapuno sila ng labindalawang kaing.

Nang makita ng mga tao ang himalang ginawa ni Jesus, sinabi nila, “Tunay na ito ang Propetang paparito sa sanlibutan!” Nahalata ni Jesus na lalapit ang mga tao at pipilitin siyang gawing hari, kaya’t umalis siyang muli at mag-isang umakyat sa bundok.

Pagninilay:

Madalas tayong maghanap ng kung anu-anong patunay at ebidensiya bago maniwala. Ang iba naman ay kahit ilang beses nang pinakitaan ng magandang loob at biyaya sa buhay ay madali pa ring makalimot sa Panginoon. Ganoon nga ang nangyari kay Felipe at kay Andres. Nag-aalala sila sa kakulangan na nakikita nila sa kasakuluyan at nakaligtaan na ang walang kapangyarihan ng Panginoon na posible ang kahit ano. Anong matututunan natin dito?

Sa ating buhay ay ganoon din. Magandang ugaliin na paggising sa umaga at bago matulog ay bilangin natin ang ating biyayang natatanggap. Mula sa ating tulugan, bubong ng bahay, pagkain, tubig na inumin at mga tila simpleng bagay na hindi na natin napapansin dahil naging “karaniwan” na. Ngunit madalas, ay mapapansin lang natin kung gaano kahalaga kapag ka nawala na. Ang mga ito ay dulot sa atin ng Diyos. Tanda ng pagmamahal niya sa atin at sana tayo bilang mga nanampalataya sa kanya, ay patuloy na gumawa ng paraan upang tayo mismo ay makaalala dahil likas sa atin at sa mundo ang madaling makalimot sa Diyos. Tayo rin ang nalulungkot, nababalisa at madaling mag-alala sa mga makamundong bagay kapag ka nakakaligtaan natin siya ngunit anong saya din naman kung lagi natin siyang aalalahanin.

Sa kabila ng ating papanatili sa Diyos at sa pag-aalay sa kanya anumang ating kulang, Siya mismo ang magpupuno at magdudulot sa atin sa mga paraang hindi inaasahan.

Panalangin: Dumulog sa Diyos hingil sa anumang ating pangangailangan nang buong puso at buong tiwalang ibibigay niya ang ating kailangan kung ito ay makabubuti para sa atin at sa ating kaligtasan. Ipagpaubaya sa Diyos anumang desisyon Niya tungkol sa ating minimithi.

Pagpalain nawa tayo ng mapagpala at makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman!

Amen. +

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!

Copyright Reflections Written By:

Admin. Francesca Maria Margarita

Share this:

Leave a Reply