TODAY’S GOSPEL REFLECTIONS on DCF: “Ang Presensiya ng Diyos”

Photo by: Jesus WLL Files

Mayo 7, 2018. Lunes. Ika-6 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Salmo 149: “Panginoo’y nagagalak sa hirang n’yang mga anak.”

Unang Pagbasa: Mga Gawa 16:11-15

Mula sa Troas, tuluy-tuloy kaming naglayag papuntang Samotracia, at kinabukasa’y sa Neapolis. Mula naman roo’y nagpunta kami sa Filipos, na isang kolonyang Romano at pangunahing lunsod sa dakong iyon ng Macedonia, na isa ring kolonyang Romano. Nanatili kami roon nang ilang araw. At nang Araw ng Pamamahinga, lumabas kami ng lunsod at nagpunta sa tabing-ilog, sa pag-aakalang doon ay may pinagtitipunan ang mga Judio upang manalangin. Naupo kami at nakipag-usap sa mga babaing nagkakatipon doon. Kabilang dito ang isang sumasamba sa Diyos na nagngangalang Lydia na taga-Tiatira; siya’y isang negosyante na nagtitinda ng mamahaling telang kulay ube. Binuksan ng Panginoon ang kanyang isip at kanyang pinaniwalaan ang ipinapangaral ni Pablo. Nagpabautismo siya at ang kanyang buong pamilya. Pagkatapos, sinabi niya, “Kung itinuturing po ninyo akong tunay na lingkod ng Panginoon, doon na kayo tumuloy sa amin.” At tinanggap naman namin ang kanyang paanyaya.

Ebanghelyo: Juan 15:26-16:4a

“Ngunit sa pagdating ng Tagapagtanggol, ang Espiritu ng katotohanan, na susuguin ko mula sa Ama, magpapatotoo siya tungkol sa akin. At magpapatotoo rin kayo tungkol sa akin, sapagkat sa pasimula pa’y kasama ko na kayo.
“Sinasabi ko ito sa inyo upang huwag kayong mawalan ng pananalig sa akin. Ititiwalag nila kayo sa mga sinagoga. Darating ang panahon na ang sinumang pumatay sa inyo ay mag-aakalang naglilingkod siya sa Diyos. At gagawin nila ito sapagkat hindi nila ako kilala, ni ang Ama. Subalit sinabi ko na ito sa inyo upang kapag ito’y nangyari, maaalala ninyo ang sinabi ko sa inyo.”

Pagninilay:

Sadyang mahiwaga ang mga paraan ng Diyos sa mga pagkakataon at bagay na hindi natin inaasahan. Hindi natin nalalaman agad-agad kung ano ang plano ng Diyos para sa atin ngunit sumasampalataya tayo na may plano ang Diyos para sa atin na makabubuti higit pa sa ating mga iniisip para sa ating sarili. Ang lahat ng ating panalangin ay dinirig ng Diyos dahil Siya ang Diyos at Ama ng Pag-ibig at Awa. Kapag inuna natin Siya at patuloy na minamahal ay Siya mismo ang magdudulot ng ating kailangan.

Sa unang pagbasa, natunghayan natin ang mga kaganapan noong kauna-unahang yugto ng ating Simbahang Katolika. Ang mga apostoles ay lumalakad sa kung saan-saang lugar sila dalhin ng Espiritu ng Panginoon upang mangaral at maghayag ng Mabuting Balita tungkol sa kaligtasan na dulot ng Panginoong Jesus. Dahil sa paggabay at gawa ng Espiritu sa kanila at sa mga tao ay nakakapag-akay sila ng maraming taong nananampalataya nang buong puso sa Mabuting Balita ng Diyos. Ito ang mga unang bahagi ng simbahan at kakaunti pa lamang ang mga tagapag-pahayag at naniniwala hindi gaya ngayon na ang Simbahang Katoliko ay umaabot na sa bilyon sa buong mundo. Ngunit dahil sa Espiritu ng Diyos na nananalaytay sa ating simbahan ay patuloy pa rin ang magtamasa ng kaligtasan na matatagpuan natin hanggang ngayon sa ating Inang Simbahan.

Gayundin naman, sa ebanghelyo ngayong araw ay malalaman natin kung gaano kalapit ang Diyos sa ating mga puso. Tayo mismo ang simbahan na ito at ang tahanan ng Diyos ay hindi lamang sa simbahan na ganap kundi nasa ating mga puso , katawan at kaluluwa mismo. Tayo mismo na mga tao ay tinatawag na “templo” ng Espiritu Santo. Kaya naman nasa ating desisyon na buhat ng ating pananampalataya kung anong klaseng tahanan ba ang inihahanda natin para sa Panginoon? Ano ba ang laman ng ating mga puso? Kabutihan ba para sa kapwa o kasiraan? Kapakanan ng ibang tao o ang ating sarili?
Madalas tayo ay nagiging bingi at bulag sa katotohanang kung gaano kalapit sa atin ang ating Diyos na nananahan mismo sa ating sarili at makakausap natin Siya anumang oras natin gustuhin. Bilang mga taga-sunod ni Cristo, bawat oras ay inaanyayahan tayong gumawa ng mabuti at ito ang paraan upang maging testigo tayo sa ibang tao. Kung tayo’y tulad ng Diyos ay magiging mukha ng pag-ibig at awa. Ang ituloy ang mga gawa ni Cristo na pagbibigayan, pagpapatawad sa kapwa sa pamamagitan Niya at sa ngalan Niya ang siyang utos Niya sa atin na mga nagmamahal sa Kanya. Mahirap itong gawin dahil ito ay isang proseso at kadalasan ang pagbibigay ay masakit sa ating sarili na nasanay isipin lamang ang sarili. Ngunit bawat oras ay tumingin lamang tayo sa sinasabi ng ating puso at hanapin ang Diyos para sa mga kasagutan sa ating buhay.

Siya mismo at ang Kanyang Espiritu na nananalaytay sa ating mga buhay at puso ang magtuturo sa atin kung paano tayo makakapagmahal ng lubos at banayad nang makamtan natin ang tunay na kaligayahan ng ating mga pusong sa kanya lamang magiging buo at ganap.

Panalangin: O Jesus, ako’y sadyang mahina at bingi sa iyong tinig na anumang oras ay kasama kita sa aking buhay. Tanggalin mo nawa ng iyong Banal na Presenisya ang lahat ng aking mabigat na suliranin. Turuan mo akong mas maging malawak ang kamalayan sa presensiya ng iyong Espiritu sa aking buhay, nang matamasa ko rin ang iyong kapayapaan at maibahagi din ito sa iba. Amen. +

Isang mapagpalang lunes sa ating lahat!

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!

Copyright Reflections Written By:

Admin. Francesca Maria Margarita

Share this:

Leave a Reply