TODAY’S GOSPEL REFLECTIONS on DCF: “Ang Tagpuan ng Diyos at Tao”

Mayo 9, 2018. Miyerkules. Ika-6 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay.

Salmo 148: Ang kadakilaan ng D’yos sa lupa’t langit ay lubos. 

Unang Pagbasa: Mga Gawa 17:15,22-18:1*

(…) Tumayo si Pablo sa harap ng kapulungan ng Areopago at nagsalita, “Mga taga-Atenas, napapansin kong kayo’y lubos na napaka-relihiyoso sa maraming bagay. Sapagkat sa paglalakad ko sa lunsod at pagmamasid sa inyong mga sinasamba, nakakita ako ng isang dambana na may nakasulat, ‘Sa Diyos na hindi nakikilala.’ Ang Diyos na inyong sinasamba kahit hindi ninyo nakikilala ay siya kong ipinapahayag sa inyo.
Siya ang gumawa ng sanlibutan at lahat ng naririto, siya ang Panginoon ng langit at ng lupa. Hindi siya nananahan sa mga templong ginawa ng tao. Hindi rin siya nangangailangan ng anumang tulong o paglilingkod ng tao; sa halip, siya ang nagbibigay ng buhay, hininga at lahat ng bagay sa sangkatauhan. Mula sa isang tao’y nilikha niya ang lahat ng lahi sa buong mundo. Itinakda niya sa simula’t simula pa ang kani-kanilang panahon at hangganan. Ginawa niya iyon upang hanapin nila ang Diyos; baka sakaling sa kanilang paghahanap, siya ay matagpuan nila. Ang totoo, hindi naman siya talagang malayo sa bawat isa sa atin; sapagkat,
‘Hawak niya ang ating buhay, pagkilos at pagkatao.’
Tulad ng sinabi ng ilan sa inyong mga makata,
‘Tayo nga’y mga anak niya.’

Sapagkat tayo’y mga anak ng Diyos, huwag nating akalaing siya ay tulad lamang ng mga larawang ginto, pilak, o bato na pawang likha ng isip at kamay ng tao.

Sa mga nagdaang panahon ay hindi pinansin ng Diyos ang di pagkakilala sa kanya ng mga tao, ngunit ngayon ay iniuutos niya sa lahat ng tao sa bawat lugar na magsisi’t talikuran ang kanilang masamang pamumuhay. Sapagkat itinakda na niya ang araw ng paghuhukom sa sanlibutan, at ito’y buong katarungan niyang gagawin sa pamamagitan ng isang tao na kanyang hinirang. Pinatunayan niya ito sa lahat nang ang taong iyon ay kanyang muling binuhay.”

Nang marinig nila ang sinabi ni Pablo tungkol sa muling pagkabuhay, tinuya siya ng ilan. Sinabi naman ng iba, “Nais naming mapakinggan kang muli tungkol dito.”

At iniwan ni Pablo ang mga tao. May ilang naniwala sa kanya at nanalig sa Diyos. (…)

Ebanghelyo: Juan 16:12-15

“Marami pa akong sasabihin sa inyo subalit hindi pa ninyo kayang unawain ngayon. Ngunit pagdating ng Espiritu ng katotohanan, papatnubayan niya kayo sa lahat ng katotohanang galing sa Diyos. Sapagkat ang sasabihin niya ay hindi mula sa kanyang sarili, kundi ang kanyang narinig; at ipahahayag niya sa inyo ang mga mangyayari sa hinaharap. Pararangalan niya ako sapagkat tatanggapin ng Espiritu mula sa akin ang ipahahayag niya sa inyo. Ang lahat ng sa Ama ay sa akin, kaya ko sinabing tatanggapin ng Espiritu ang mula sa akin at ipahahayag niya ito sa inyo.”

Pagninilay:

“Hindi naman talaga malayo ang Diyos sa bawat isa sa atin” yan ang sinabi ni San Pablo sa kanyang pahayag sa mga taga-Atenas. Hanggang ngayon mismo sa ating kasalukuyang panahon na sadyang aligaga ang mga tao sa maraming bagay at alalahanin sa buhay. Kaya madalas mahirap makita ng ilan ang Diyos sa ating pang-araw araw na buhay. Kadalasan ay hinahanap lamang ang Diyos kapag ka may kailangan o kung may krisis na. Samantalang ang Diyos na ating Ama na lumikha ng langit at lupa pati ng tao dahil sa pagmamahal ay naghihintay lamang sa atin parang isang Ama sa isang anak. Naghihintay ang ating Ama sa langit na tayo ay dumulog sa Kanya bilang mga batang paslit na lubos na nagtitiwala at nagmamahal sa kanyang ama. Gayon din sana tayo sa Kanya anumang oras natin kailanganin at gustuhin, sa lahat ng oras ng ating buhay.
Tulad noon at hanggang ngayon ay hindi maiiwasang may mga tao na puno ng pagdududa at pagtutuya tungkol sa pananampalataya ng Diyos.

Lubhang napakaraming bagay sa mundo ang nagiging mga “idolo” na nakakapagpaisip sa ilan na hindi na natin kailangan ng Diyos. May mga ilan na ang seguridad ng buhay at ang kanilang kaligyahan ay tila nasa karangyaan ng buhay. Ngunit sa kaloob-looban ng kanilang tao at puso na lingid sa kaalaman ng marami ay isang pusong hindi makuntento sa kung ano ang mayroon sa kanila. Oo at palaging may pambili ng bagong labas na cellphone at mga mamahaling gadget. Laging may suot ng damit at sapatos na uso upang sila’y papurihan ng mundo ngunit kailanman ay hindi ito mauubos at matatapos at sasabay lamang sa agos ng mundo. Pero sa kaloob-looban ng lahat ng ating mga puso ay hindi mapupunan ng mga ganitong materyal na bagay. Tayong lahat bilang Anak ng Diyos ay nilikha upang ang ating lubos at ganap na kalagakan ay hindi sa mga materyal na bagay ngunit sa isang tunay na pag-ibig sa Diyos at sa tao lamang. Ang pag-ibig na hindi makasarili at palaging nagbibigay. Ito ang tunay na nagdudulot ng kaligayahan at ng hinahanap ng ating mga pusong tila hindi mahanap-hanap sa mundo. Kaya’t ito ay isang panawagan para sa lahat na ituon ang ating mga puso kung saan ng aba ito nanggaling at kung para saan at kanino ito nilikha ng Diyos. Ang kayamanan ng puso na nagtatagal. Gumawa ng Mabuti sa kapwa at magsilbi sa isa’t isa, sa katrabaho at mga kapamilya ng buong puso at sa mga ganitong paraan ay nakakapag-ipon na tayo ng kayamanan na hindi nakikita. At ang pinagiipunan natin ay ang puso ng ibang tao kung saan naroroon din ang DIyos.

Tandaan natin na hindi natin nakuha ang lahat ng ating biyaya dahil tayo ay “magagaling”. Lahat ng mabubuti at magaganda sa ating pagkatao at buhay kahit maging ang angking talento natin ay sa Diyos lahat galing at hindi sa atin. Tawanan man tayo ng ibang tao sa ating pananampalataya dahil ang iba sa mundo ay hindi naniniwala, hindi tayo dapat bumitaw sa ating pinanghahawakang pananampalataya. Bagkus, lalo pa natin dapat silang akayin kung saan ba nila matatagpuan ang kanilang hinahanap na hindi nila alam kung ano at ito ay walang iba kundi sa Diyos lamang.

Marahil ang iba ay hindi ito agad mauunawan nang buo, o maging tayo rin kung makikinig sa sariling pang-unawa at hindi sa Diyos. Ngunit kumapit lamang tayo at magpursigi dahil lahat tayo ay may kanya-kanyang pinagdaraanan sa buhay. Itong ating buhay sa mundo ay isang paglalakbay nang walang kasiguraduhan. Lahat ng bagay ay nagiiba at lumilipas kaya mas marapat tayong kumapit sa iisang katotohanang hindi nagbabago at ito ay walang iba kundi ang ating Diyos. Panghawakan natin ang Kanyang mga Salita. Araw-araw, damhin natin ang kanyang presensisya sa pananalangin at sa ating buhay hanggang sa pati sa ating bawat gawain ay naalala-ala natin ang Diyos na nananahan mismo sa ating puso at maari nating makausap anumang oras nating gustuhin.

Panalangin: Panginoon, tulungan mo akong makita ka at maramdaman ka sa aking buhay sa ngayon. Sadyang napakaraming balakid sa akin patungo sa Iyo. Ngunit ako ay mananalig at patuloy na kakapit sa aking pananampalataya sa iyo na may pag-asang hindi mo ako pababayaan kasama ng aking buong pamilya.

Hinihiling ko ito sa Matamis na Ngalan ni Jesus. Amen. +

Isang mapagpalang miyerkules sa ating lahat!

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!

Copyright Reflections Written By:

Admin. Francesca Maria Margarita

Share this:

Leave a Reply