TODAY’S GOSPEL REFLECTIONS on DCF: “Kaisa Tayo ng Panginoon”

Photo ©: BJsRealm

 

Mayo 17, 2018. Huwebes. Ika-7 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Salmo 16: “D’yos ko, ang aking dalangi’y ako’y iyong tangkilikin”

Unang Pagbasa: Gawa 22:30; 23:6-11

Nais matiyak ng pinuno kung ano nga ang paratang ng mga Judio laban kay Pablo. Kaya’t kinabukasan, ipinatawag niya sa isang pulong ang mga punong pari at ang buong Sanedrin. Pinakalagan naman niya si Pablo at iniharap sa kanila. Nalaman ni Pablo na doo’y may mga Saduseo at Pariseo, kaya’t sinabi niya nang malakas sa Sanedrin, “Mga kapatid, ako’y Pariseo, at anak ng mga Pariseo, at dahil sa pag-asa kong muling mabubuhay ang mga patay kaya ako’y nililitis ngayon.”
Nang masabi ito ni Pablo, nagtalu-talo ang mga Pariseo at ang mga Saduseo, at nahati ang kapulungan. Sapagkat naniniwala ang mga Saduseo na hindi na muling mabubuhay ang mga patay at walang anghel o espiritu. Subalit ang mga Pariseo nama’y naniniwala sa lahat ng ito. At lumakas ang kanilang sigawan. Tumayo ang ilan sa mga tagapagturo ng Kautusan na kapanig ng mga Pariseo at malakas na tumutol, “Wala kaming makitang pagkakasala sa taong ito. Anong malay natin, baka nga kinausap siya ng isang espiritu o isang anghel!”

Naging mainitan na ang kanilang pagtatalo, at natakot ang pinuno ng mga sundalo na baka bugbugin nila si Pablo. Pinapanaog niya ang mga kawal, ipinakuha si Pablo at ipinapasok muli sa himpilan.

Kinagabihan, nagpakita ang Panginoon kay Pablo at sinabi sa kanya, “Lakasan mo ang iyong loob! Nagpatotoo ka tungkol sa akin dito sa Jerusalem; ganyan din ang gagawin mo sa Roma.”

Ebanghelyo: Juan 17:20-26
“Hindi lamang sila ang idinadalangin ko; idinadalangin ko pati ang mga mananalig sa akin dahil sa pahayag ng aking mga tagasunod. Ama, maging isa nawa silang lahat. Kung paanong ikaw ay nasa akin at ako’y nasa iyo, gayundin naman, maging isa nawa sila sa atin upang ang mga tao sa daigdig ay maniwala na ikaw ang nagsugo sa akin. Ibinigay ko na sa kanila ang karangalang ibinigay mo sa akin upang sila’y ganap na maging isa, tulad mo at ako na iisa.

Ako’y nasa kanila at ikaw ay nasa akin, upang lubusan silang maging isa. Dahil dito, makikilala ng mga tao sa daigdig na isinugo mo ako at sila’y minamahal mo, katulad ng pagmamahal mo sa akin.

“Ama, sila ay ibinigay mo sa akin at nais kong makasama sila sa kinaroroonan ko upang makita nila ang karangalang ibinigay mo sa akin, sapagkat minahal mo na ako bago pa nilikha ang daigdig. Mapagmahal na Ama, hindi ka kilala ng mga tao sa daigdig, ngunit kilala kita, at alam rin ng mga ibinigay mo sa akin na ikaw ang nagsugo sa akin. Ipinakilala na kita sa kanila, at patuloy kitang ipapakilala, upang ang pagmamahal mo sa akin ay manatili sa kanila, at ako ay manatili rin sa kanila.”

Pagninilay:

Itinuturo ng Simbahang Katolika ang misteryo ng iisang Diyos at tatlong persona. Ang Ama, si Jesu Cristo ay iisa at may iisang Espiritu (CCC 253). Ito ay nasa pinakaugat ng ating pananampalataya na ating dinadalangin tuwing Banal na Misa sa Credo. Hindi lubos na maiintindihan ng isang tao, bagkus ay napapaloob ito sa pananampalataya na mayroon tayo. Ano ngayon ang koneksyon sa atin ng paniniwalang ito? Gayundin naman, na tayo bilang Kristiyano ay inaanyayahang maging kaisa ni Cristo na kaisa ng Diyos Ama ng Espiritu Santo. Bilang Kanyang mga Kristiyano, tayo ay mga taga-sunod at tagapagpatuloy ng Kanyang mga sinimulan na pagpapalaganap ng Mabuting Balita at pagmamahal sa Diyos at kapwa. Sa pagpapatuloy ng gawain ni Cristo sa pamamagitan ng Espiritu Santo, ay matatamasa din natin ang kaisahan kasama ng Diyos. Isa pang halimbawa, tuwing tinatanggap natin ang tunay na katawan at dugo ni Cristo sa Banal na Misa, hindi Siya ang nagiging parte ng ating katawan, kundi tayo ang nagiging bahagi ng Kanyang katawan. Gayundin naman, na ang Kanyang Banal na Espiritu ay nananahan sa ating mga puso. Wala ang Diyos sa malayo, napakalapit Niya sa atin, at sa loob natin Siya nanarihan. Tayo lamang ang hindi makaramdam ng Kanyang presensiya sa atin. Madalas ang puso na puno ng pangamba, mga suliranin, alalahanin sa mga materyal na bagay sa mundo at kung anu-ano pa ay mahirap makita ang Panginoon. Kahit ganito pa, ay patuloy tayong inaanyayahan ng Panginoon na magsikap sa pagmamahal Niya, sa pakikiisa sa Kanyang pagpapasan ng Krus sa buhay.

Tuwing tayo ay nagugulumihanan, maari tayong dumulog kay Cristo at alalahaning pagnilayan ang pagpako Niya sa Krus. Ialay natin ang ating mga hinaharap na pagsubok sa Kanya at tayo ay magiging kaisa din Niya sa kanyang paghihirap kung ito ay alang-alang sa ikabubuti ng ating kapwa at dulot ng ating pagmamahal sa kanila. Ibig sabihin nito’y pagmamahal na ang nagpapatunay ay ang ating “sakripisyo” para sa minamahal.
Tuwing tayo ay gumagawa ng mabubuti sa kapwa, nang walang hinihinging kapalit ngunit may isang busilak na puso na mapabuti rin ang ating kapwa, tayo rin ay nagiging kaisa ni Cristo sa tunay na pag-ibig na ipinamalas Niya sa ating lahat. Isang pag-ibig na inalay Niya sa ating lahat ang kanyang buhay kahit pa tayo ay makakasalanan. Gayundin naman kung kabaliktaran ang ating mga pinipiling gawain, ay makukulong lamang tayo sa ating mga makasariling puso. Ngunit hindi tayo nilikhang ganito, bagama’t masakit at mahirap ang magmahal at magbigay sa kapwa, dito tayo pinakamabubuhay.

Ang makita ang iba na masaya dahil may naggawa tayo para sa kanila ay ligayang hindi mapapantayan ng kahit ano mang pera. Ito rin ang magiging ugat ng ating kaligtasan – ang pakikiisa ay Cristo, ang pagsisikap na lumago sa ating sariling kapasidad, at tangkilikin ang lakas ng Diyos. Pagsikapan sana natin na alagaan ang ating pananampalatayang magdudulot sa atin ng pusong walang humpay na hahanap-hanapin ang Diyos sa lahat ng tao, bagay, lugar. Tiyak mahahanap natin ang Diyos ng pag-ibig at walang hanggang kagalakan kung ang puso natin ay patatahimikin sa mga alalahanin at pipiliing makinig sa Kanya sa ating panalangin. Anuman ang ating danasin alang-alang sa pag-ibig ay magiging magaan dahil ito ay kusang loob na binigay mula sa pusong tunay na nagmamahal.

Panalangin: Panginoong Jesus, turuan mo akong maging kaisa mo sa lahat ng bagay. Tulungan mo akong mahanap ka saan man, kanino man, kailanman sa aking buhay nang ako at ang aking lahat ng mahal sa buhay ay hindi mapalayo sa iyo. Bagkus ay maging isang komunidad at pamilya na puno ng pag-uunawa, pagpapatawad alangalang sa pag-ibig na galing sa iyo. Amen. +

Isang mapagpalang huwebes sa ating lahat!

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!

Copyright Reflections Written By:

Admin. Francesca Maria Margarita

Share this:

Leave a Reply