TODAY’S GOSPEL REFLECTIONS on DCF: “Pagkapit sa Diyos”

Photo by: Garden of Praise

Mayo 10, 2018. Huwebes. Ika-6 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Salmo 98: Panginoong nagliligtas sa tanang bansa’y nahayag.

Unang Pagbasa: Gawa 18:1-8

Pagkatapos, umalis si Pablo sa Atenas at nagpunta sa Corinto. Natagpuan niya roon si Aquila, isang Judiong taga-Ponto. Kararating pa lamang nito mula sa Italia kasama ang kanyang asawa na si Priscila. Umalis sila roon sapagkat pinalayas ni Claudio ang lahat ng Judio sa Roma. Nakipagkita sa kanila si Pablo, at dahil sila’y manggagawa ng tolda tulad niya, siya ay nakitira sa kanila, at siya’y nagtrabahong kasama nila. Tuwing Araw ng Pamamahinga, si Pablo ay nakikipagpaliwanagan sa mga Judio o Griego sa sinagoga at sinisikap niyang mahikayat sa pananampalataya ang lahat.

Nang dumating sina Silas at Timoteo mula sa Macedonia, iniukol na ni Pablo ang buo niyang panahon sa pangangaral at pagpapatunay sa mga Judio na si Jesus ang Cristo. Nang siya’y salungatin at laitin ng mga ito, ipinagpag niya ang alikabok sa kanyang damit bilang babala sa kanila. Sinabi niya, “Kasalanan na ninyo kung kayo’y mapahamak! Hindi ko na sagutin iyon! Mula ngayo’y sa mga Hentil na ako mangangaral.” Kaya’t umalis siya roon at tumira sa bahay ni Ticio (TICIO: Sa ibang manuskrito’y Tito) Justo, isang Hentil na may takot sa Diyos. Katabi ng sinagoga ang bahay nito. Si Crispo, na tagapamahala ng sinagoga, at ang kanyang sambahayan ay nananalig rin sa Panginoon. Marami pang mga taga-Corinto na nakinig kay Pablo ang sumampalataya at nagpabautismo.

Ebanghelyo: Juan 16: 16-20

“Kaunting panahon na lamang at hindi na ninyo ako makikita, at pagkaraan ng kaunti pang panahon, ako’y inyong makikitang muli.”

Nag-usap-usap ang ilan sa mga alagad, “Ano kaya ang ibig niyang sabihin? Bakit niya sinabing kaunting panahon na lamang at hindi na natin siya makikita, at pagkaraan ng kaunti pang panahon ay makikita natin siyang muli? Sinabi pa niya, ‘Sapagkat ako’y pupunta sa Ama.’ Ano kaya ang kahulugan ng, ‘kaunting panahon na lamang’? Hindi natin maunawaan ang kanyang sinasabi!”

Alam ni Jesus na ibig nilang magtanong, kaya’t sinabi niya, “Nagtatanungan kayo tungkol sa sinabi kong ‘kaunting panahon na lamang at hindi na ninyo ako makikita, at pagkaraan ng kaunti pang panahon, ako’y makikita ninyong muli.’ Pakatandaan ninyo: iiyak kayo at mahahapis, ngunit magagalak ang sanlibutan. Labis kayong malulungkot, subalit iyan ay mapapalitan ng kagalakan.

Pagninilay:

Mahigawa ang mga paraan ng Panginoon. Walang payak na mangyayari at hindi natin malalaman ang lahat kaya sa panahon na ganito ay tanging pagtitiwala lamang natin sa Kanya ang ating mapanghahawakan. Maging ang mga apostoles noon ay napupuno ng tanong sa mga ibang sinasabi ni Jesus. Palibhasa’y noong panahong iyon ay malapit nang magpakasakit si Jesus sa kalbaryo at ipako sa Krus hanggang sa Siya’y mamatay. Dito sa ating buhay sa kasalukuyan ay napupuno din ng ating sari-sariling Krus na pinapasan. Minsan sa ating delubyong nararanasan ay sinasabi ng ilan na tila raw napakahirap maramdaman ng Panginoon. Ngunit nangyayari lang ito kung nakalimutan na natin ang Kanyang lakas at pag-ibig sa atin. Isang pag-ibig na gagawin ang lahat kahit isakripisyo ang buhay sa minamahal. Mawawalan lamang tayo ng pag-asa kung tayo ay nakatuon sa problema lamang at hindi sa Diyos na siyang magliligtas sa atin sa lahat ng ating kinakaharap. Sa mga pagsubok na ito sa buhay ay dito tayo natututo. Sa mga pagkakamali ay mayroong aral na napapalibot na magiging dunong natin, kung tayo ay kakapit at magtitiwala sa plano ng Diyos para sa atin.

Isa pang punto na sinabi ni Jesus, ay kung bakit nga ba sinabi Niya nabanggit na tayo ay iiyak ngunit ang sanlibutan ay magagalak? Ang mundo na tinutukoy ni Jesus ay ang mundo na kanyang kaaway. Ang mundo na puno ng karangyaan, pagkukunwari, pagmamataas at kung anu-ano pang materyal na bagay at panglabas na katangian. Ang mga ito ay hindi kailanman magtutugma sa tinuturo ng Diyos na pagmamahal. May mga ibang tao talaga na hindi matatanggap ang pagmamahal na inaalay ng Diyos sa Krus at ito nga ang pinakamalungkot na pangyayari sa buhay, ang buhay na walang Panginoon. Dahil kung tayo lang at wala Siya ay hindi natin makakayanan ang ating sariling kahinaan at pagkamakasalanan. Maaring maging masaya tayo panandalian sa mga natatamasa nating kasagaanan ng materyal ng buhay. Ngunit hindi ito magtatagal at lilipas din.

Ang pagmamahal na tunay lamang ang nagtatagal at ito ay makakamtan lamang matapos ang sakripisyo natin at hindi lamang sa puro ginhawa na klase ng buhay. Ang daan ng krus ang siyang ating daan patungo sa tunay na kaligayahan at ganap na pag-ibig kasama ng Diyos habang nandirito pa sa lupa ay lubus-lubusin na natin ang pagmamahal. Tulad ni Jesus, dalhin ang Krus na kasama dito nang buong pagtitiyaga at pagtitiwala na magiging maayos din ang lahat. Ang ating mga panaghoy ay papalitan ni Jesus ng kanyang galak. Isang kalagakan na hindi matatapos kasama Niya at sa Kanya, magpasawalang hanggan. Amen.

Panalangin: Panginoong Jesus, tulungan mo kaming patuloy na maniwala sa iyong katotohanan sa kabila ng lahat. Inaalay naming sayo ang lahat ng aming dinaranas sa kasalukuyan na may pag-asang lahat ito ay para sa iyo, kasama mo at sa iyo. Amen. +

Isang mapagpalang huwebes sa ating lahat!

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!

Copyright Reflections Written By:
Admin. Francesca Maria Margarita

Share this:

Leave a Reply