TODAY’S GOSPEL REFLECTIONS on DCF: “Sa Puso ng Diyos”

Photo © Credits: Catholic Life

 

Mayo 16, 2018. Miyerkules. Ika-7 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Salmo 68: “Tanang mga kaharian, ang Poong D’yos ay awitan.”

Unang Pagbasa: Gawa 20:28-38

Ingatan ninyo ang inyong sarili at ang buong kawan, sapagkat sila’y inilagay ng Espiritu Santo sa inyong pag-iingat. Pangalagaan ninyo ang iglesya ng Diyos na kanyang tinubos sa pamamagitan ng dugo ng kanyang Anak. Alam kong pagkaalis ko’y magsisipasok ang mababangis na asong-gubat at walang patawad nilang pupuksain ang kawan. Mula na rin sa inyo’y may lilitaw na mga taong magsasalita ng kasinungalingan upang mahikayat na sumunod sa kanilang mga alagad. Kaya’t mag-ingat kayo. Alalahanin ninyong tinuruan ko kayo araw at gabi sa loob ng tatlong taon, at maraming luha ang pinuhunan ko.

“At ngayo’y itinatagubilin ko kayo sa Diyos at sa kanyang salitang nagpapahayag ng kanyang kagandahang-loob. Ito ang makakapagpatibay sa inyo at makakapagbigay ng mga pagpapalang inilaan sa lahat ng kanyang ginawang banal. Hindi ko hinangad ang ginto, pilak o pananamit ninuman. Alam ninyong nagbanat ako ng buto upang kumita ng ikabubuhay naming magkakasama. Sa lahat ng pagkakataon, ipinakita ko sa inyo na sa pamamagitan ng ganitong pagtatrabaho, dapat ninyong tulungan ang mahihina. Alalahanin natin ang mga salita ng Panginoong Jesus, ‘Higit na mapalad ang nagbibigay kaysa tumatanggap.’”

Pagkasabi nito, lumuhod si Pablo at nanalanging kasama nila. Silang lahat ay umiiyak na yumakap at humalik kay Pablo. Labis nilang ikinalungkot ang kanyang sinabing siya’y hindi na nila muling makikita. At siya’y inihatid nila sa sakayan ng barko.

Ebanghelyo: Juan 17:11b-19

At ngayon, ako’y papunta na sa iyo; iiwanan ko na ang sanlibutang ito, ngunit sila ay nasa sanlibutan pa. Amang banal, ingatan mo po sila sa pamamagitan ng kapangyarihan ng iyong pangalan, ang pangalang ibinigay mo sa akin, upang kung paanong ikaw at ako ay iisa, gayundin naman sila’y maging isa. Habang kasama nila ako, iningatan ko sila sa pamamagitan ng kapangyarihan ng iyong pangalan, ang pangalang ibinigay mo sa akin. Pinangalagaan ko sila at walang napahamak sa kanila, maliban sa taong humanap ng kanyang kapahamakan, upang matupad ang kasulatan. Ngunit ngayon, ako’y papunta na sa iyo, at sinasabi ko ito habang ako’y nasa sanlibutan pa upang mapuspos sila ng aking kagalakan. Naibigay ko na sa kanila ang iyong salita, at kinapootan sila ng mga tao sa sanlibutang ito, sapagkat hindi na sila taga-sanlibutan, tulad ko na hindi taga-sanlibutan. Hindi ko idinadalanging kunin mo sila sa daigdig na ito, kundi iligtas mo sila sa Masama! Hindi sila taga-sanlibutan, tulad ko na hindi rin taga-sanlibutan. Italaga mo sila sa pamamagitan ng katotohanan; ang salita mo ang katotohanan. Kung paanong isinugo mo ako sa sanlibutan, gayundin naman, isinusugo ko sila sa sanlibutan. At alang-alang sa kanila’y itinalaga ko sa iyo ang aking sarili, upang maitalaga rin sila sa pamamagitan ng katotohanan.

Pagninilay:

Sa ating buhay pananampalataya ay marami talagang kailangang labanan na mga balakid sa ating relasyon sa Panginoon. Una, ang mundo. Pangalawa, ang ating mga sarili (at laman) at ang diablo. Lahat ito ay may kanya-kanyang paraan upang ilayo tayo sa Diyos. Kaya naman alam itong lahat ni Jesus at ni San Pablo. Nanalangin nang lubos si Jesus para sa proteksyon ng kanyang mga alagad, at si Pablo naman ay gayun din sa kanyang nilisan ng komunidad na walang tigil na sinabihan niya ng mga babala upang makapag-ingat. Ganito rin sa atin sa kasalakuyang panahon. Una, ang mundo ay maraming mga nakakaengganyong bagay tulad ng materyal na bagay, bagong damit, sapatos, mga kung anu-anong mga pang-aliw at mga nakakaanyayang sikat na artista. Hindi naman masama ang mga ito ngunit maari itong makasama kung sosobra ang pagkilik ng ating mga puso sa mga bagay na ito. Minsan pa nga ay hindi ito natin nalalaman agad-agad kung ang puso natin ay sadyang natatangay na ba sa mga gawain ng mundo. Ang iba dahil, ito na ang mas pinagpapahalagahan ng pansin o dito na nakasentro ang buhay hindi sa ating Panginoon. Kaya kapag ka may problema ay madaling madapa at mapanghinaan ng loob dahil walang kinakapitan na mas higit pa kaysa sa suliranin at kasalanan ng tao. Iito ay walang iba kung hindi ang Diyos lamang na nagligtas sa ating lahat. Maraming paraan ang mundo upang tayo ay madali makalimot sa Diyos. Ngunit kahit kailanman tandaan antin mga kapatid, na ang mga puso natin na nilikha para sa Diyos ay hindi makukuha ang tuktok na kaligayahan sa mga bagay sa mundo na madaling mawala at hindi natin madadala hanggang kamatayan. Kaya madalas ang iba na hindi ito naiisip agad ay walang kakuntentuhan sa buhay.

Ang iba ay mayroong maraming mamahaling gamit, ari-arian, magarbong sasakyan, magagandang damit at kung anu-ano pa. Sa mata ng mundo, sila ay mga matagumpay. Ngunit ito ay nasa harap lamang, dahil ang loob at puso ng tao na ang Diyos lamang ang nakakaalam, ay hindi natin agad malalaman. Marami sa kanila ang may kulang pa rin, palaging naghahanap ng bagong damit, bagong nauusong gadget at ano pa man, dahil hindi basta-basta napupunan ng mga bagay na madaling mawala ang puso na nilikha upang magmahal. Ang Diyos ang gumawa ng ating puso, Siya rin pinakanakakaalam kung saan ang puso natin sasaya, at walang iba kundi sa Kanya lamang. Ngunit ang daan dito ay hindi madali, kailangang huwag nating mahalin ang mundo na hindi kilala ang Diyos. Sa harapan ng ating Panginoon, hindi natin kailangan ng magagandang damit at alahas, ang puso natin na gusto lamang matutu sa larangan ng busilak na pagmamahal bagamat ito ay sugatan, at mahina o puno ng kasalanan ay sapat na pag-aalay na sa ating Panginoon.

Minsan akala natin ay tulad natin mag-isip ang Diyos o magmahal, na minsan ay maraming kondisyon tayong mga tao iyon at hindi ang Diyos. Ang mga tao madalas magsabi “mamahalin lang kita kung___” pero ang iba, kung wala na silang makuha dito ay hindi na magiging mabait. Hindi ganito ang Diyos. Hindi rin tayo ganito nilikha ng Diyos at hindi ito ang pagmamahal ng Diyos na itinuro sa atin. Kaya marapat lamang na labanan din natin ang sarili nating pag-iisip sa kung ano ang kahinaan natin. Manalig tayo sa walang hanggang kapangyarihan at pagmamahal ng Panginoon nang higit pa sa lahat ng ating mga talino at talento na siyang magbibigay sa atin ng lakas sa ano mang ating kailangan harapin na hamon sa buhay. Ang lakas na ito ay mismong ang lakas at tatag ng pagmamahal na mula sa puso ng DIyos. Madalas, sa pakikinig sa ating sarili, dito tayo nasasadlak sa paghihirap at iniisip nating tayo ay nag-iisa ngunit hindi ito totoo.

Kung tayo ay lubos na nahihirapan ay mamimili lamang ba tayo kung ano ang ating landas na gustong tahakin? Tatakas ba tayo at gagawa ng kasalanan (pagsusugal, pambababae, pagttsismis ng ibang tao) o itataas natin sa Diyos ang lahat ng ating alalahanin at sa huli kahit mahirap maghintay ay lalago tayo sa tiwala at pagmamahal sa Kanya? Nasa atin ang desisyon, mga kapatid. At kung ano man iyon ay siyang magdidikta ng kung ano ang mangyayari sa ating buhay. Piliin sana natin ang Diyos kahit gaano pa kahirap, gawin nating lahat upang manatili tayo sa Kanya dahil Siya ay lagi lamang naghihintay sa atin.

Panalangin: Panginoon, panatilihin mo kami sa iyong pagmamahal at ligaya na higit na mas mataas kaysa sa lahat ng panandaliang aliw na inaalok ng mundo sa amin.

Turuan mo ang aming puso at isip na sa iyo ilagay ang lahat ng aming pagtitiwala at pananampalataya nang makasama ka namin hindi lang sa tuwa, ngunit sa lahat ng oras sa aming buhay. Hinihiling naming ito sa ngalan ni Jesus. Amen. +

Copyright Gospel Reflections Written By: Admin. FMM, Francesca Maria Margarita 

Share this:

Leave a Reply