TODAY’S REFLECTIONS on DCF: “Dakilang Pag-ibig at Buhay na Walang Hanggan”

 

Photo credit to www.godisreal.today

Abril 11, 2018. Ika-2 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Salmo 34: Panginoo’y naghari na! Ang damit n’yay maharlika.

Ebanghelyo: Juan 3:16-21

Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya’t ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. Isinugo ng Diyos ang kanyang Anak, hindi upang hatulang maparusahan ang mga tao, kundi upang iligtas ang mga ito sa pamamagitan niya.

Hindi hinahatulang maparusahan ang sumasampalataya sa Anak. Ngunit hinatulan na ang hindi sumasampalataya, sapagkat hindi siya sumampalataya sa kaisa-isang Anak ng Diyos. Ganito ang paghatol ng Diyos: naparito sa sanlibutan ang ilaw, ngunit inibig pa ng mga tao ang dilim kaysa liwanag, sapagkat ang kanilang mga gawain ay masasama. Kinasusuklaman ng mga gumagawa ng masama ang ilaw, ni hindi lumalapit dito upang hindi mahayag ang kanilang mga gawa. Ngunit ang namumuhay ayon sa katotohanan ay lumalapit sa ilaw, upang maihayag na ang mga ginagawa niya ay pagsunod sa Diyos.

Pagninilay:

Napakagandang pagnilayan ang Dakilang Pag-ibig ng Diyos na patuloy na iniaalay Niya para sa ating lahat. Kung bukas lamang ang ating puso at isip ay hindi tayo matatapos kakabilang ng biyaya araw-araw sa ating buhay. Tunay nga tayong mga Anak ng Diyos, ngunit kung ang puso natin ay sarado sa Diyos at nakatuon sa materyal na bagay: pera, trabaho, bayarin, suliranin, away, tsismis sa pamilya, kaanak at sa kapwa, saan pa kaya lulugar ang Diyos sa ating buhay at puso? Anong klaseng mga anak nga ba tayo ng Diyos?

Ang tunay na sumasampalataya kay Cristo ay siyang handang kalimutan ang pagkamakasarili, galit at sama ng loob at ialay itong lahat sa Panginoon. Ang pagpapatawad ay isang mahaba at matagal na proseso para sa ating mga tao. Ngunit alalahanin natin na tayo ay unang pinapatawad ng Diyos kaya’t ang pagpapatawad na ang natanggap ay siyang ating dapat igawad sa ating kapwa. Kaya lamang ang isang pinakamatinding temptasyon sa ating mga sumasampalataya sa Diyos ay ang isipin na malinis na tayo at wala nang kasalanan. Araw-araw kahit di natin namamalayan ay maaring nakasakit tayo ng kapwa o mayroon tayong ginawang Mabuti ngunit hindi natin nagawa. Sa halip, kung mababa ang ating loob sa harapan ng Diyos at aaminin natin ang ating kahinaan sa kanya. Marami kasi sa atin ang kuntento na at komportable na sa sari-sariling buhay.

Nakalimutan na ang buong pusong pagsisilbi at pagbibigay sa kapwa na siyang itinuturo ng ating Panginoon. Makakatulong kung bago matulog ay suriin ang sarili at mga ginawa sa buong araw, “Nakatulong ba ako sa aking kapwa? Ano ang aking naggawang Mabuti at mga naggawang mali?” Sa tulong ng Espiritu Santo, ay malalaman natin ang sagot. Araw-araw ay mayroon tayong nagagawa at mga hindi naggawa. Walang sinuman sa atin ang ipinangak at nanatiling walang sala. Sadyang lugmok tayo sa Kahinaan kaya natin kailangan ng tulong at awa ng Diyos kung dudulog tayo sa kanya. At dito nga natin tunay na mararamdaman ang lalim ng kanyang awa at pag-ibig para sa ating mga makasalanan.

Ang Diyos ang siyang mismong lalaban para sa atin sa bawat hamon ng buhay kung buong puso tayong magtitiwala sa kanya sa lahat ng ating kinikimkim at mga pag-iimbot sa puso. Isa lang ang kailangan natin gawin, sabi nga isang tanyag na kasabihan sa wikang Ingles “Let Go and Let God”. Hayaan natin si Jesus ang magpuno ng anumang kailangan natin. Hayaan natin ang awa at pag-ibig niya na dumampi at pumaloob sa puso nating nasaktan. Hindi ang ating galit at mga pag-iisip na mapaghiganti. Kapag buong puso natin itong itinaas sa Diyos ay saka lamang natin makakamtaman ang tunay na kapayapaan. Lagi man may pagsubok sa buhay, ngunit kung kasama si Cristo at may tiwala sa Kanya na ating Diyos ay payapa ang ating puso at isip anumang mangyari.

Si Jesus ang Liwanag ng Sanlibutan na napagtagumpayan na ang bawat kasalanan, kasamaan at kaguluhan sa buhay. Tayo din ay magtatagumpay kung magpapakumbaba tayo sa harap niya, taimtim na magsisisi at magkakaroon ng lakas loob upang talikdan ang ating mga nakagawiang malayo sa itinuturo at ipinakita ng ating Panginoon na gawa, salita, puso at isip na ang laman ay pawang pagmamahal sa Diyos at sa Kapwa.
Pagnilayan natin ito at dalhin sa harap ni Jesus sa panalangin. Tanungin natin siya kung ano ba ang dapat nating gawin at baguhin sa ating mga buhay upang mas maging malapit tayo sa pagkakamit ng kanyang mga biyaya at grasya sa kabila nang anumang unos, patungo sa buhay na walang hanggan na bukas para sa lahat ng buong pusong nananampalataya kay Jesus.

Panalangin: Bumuo ng isang personal na panalangin para kay Jesus. Mangusap ng anumang nararamdaman at saloobin sa ating Panginoon at saka dasalin ang itinuro niyang panalangin na “Ama Namin…”.

Pagpalain nawa tayo ng mapagpala at makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman!

Amen. +

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!

Copyright Reflections Written By:

Admin. Francesca Maria Margarita

Photo: God is Real

Share this:

Leave a Reply