TODAY’S GOSPEL REFLECTIONS on DCF: “Si Jesus ang Kasaganaan ng Buhay”

Photo: PBGrace

Abril 23, 2018. Lunes. Ika-4 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Ebanghelyo: Juan 10:1-10

“Pakatandaan ninyo: ang pumapasok sa kulungan ng mga tupa nang hindi sa pinto nagdaraan, kundi umaakyat sa di dapat pagdaanan ay magnanakaw at tulisan. Ang tunay na pastol ay sa pintuan nagdaraan. Pinapapasok siya ng gwardiya, at pinapakinggan ng mga tupa ang kanyang tinig. Tinatawag niya ang kanyang mga tupa sa kani-kanilang pangalan, at inilalabas sa kulungan. Kapag nailabas na, siya’y nangunguna sa kanila at sumusunod naman ang mga ito sapagkat kilala nila ang kanyang tinig. Hindi sila sumusunod sa iba, kundi patakbong lumalayo, sapagkat hindi nila kilala ang tinig ng iba.”

Sinabi ni Jesus ang talinhagang ito ngunit hindi nila naunawaan ang ibig niyang sabihin.

Kaya’t muling sinabi ni Jesus, “Pakatandaan ninyo: ako nga ang pintuang dinaraanan ng mga tupa. Ang mga nauna sa akin ay mga magnanakaw at mga tulisan, ngunit hindi sila pinakinggan ng mga tupa. Ako nga ang pintuan. Ang sinumang pumapasok sa pamamagitan ko’y maliligtas. Papasok siya’t lalabas, at makakatagpo ng pastulan. Dumarating ang magnanakaw para lamang magnakaw, pumatay, at manira. Naparito ako upang ang mga tupa ay magkaroon ng buhay, ng isang buhay na masagana at ganap.

Pagninilay:

“Isang buhay na masagana at ganap” paano kaya natin ito makakamtan sa ating buhay? Sa dinami-rami ng kailangang harapin sa buhay at sa gitna ng pagiging abala ay ang iba ay tila hindi na malaman ang ibig sabihin ng tunay na kasiyahan at kaligayahan sa buhay. Aminin natin, lahat tayo ay nag-aasam ng ginhawa at kasiyahan sa buhay. Kaya tayo nagtatrabaho mula umaga hanggang gabi ay upang may makain ang ating mga anak at may panggastos tayo araw-araw para mapunuan ang pangangailangan natin. Ang mga pagkain at inumin, damit, kagamitan at kung anu-ano pang materyal na bagay na maaring bilhin ng ating pera ay nakakapuno ng pangangailangan ng ating katawan.

Ang mga masasarap na pagkain at inumin ay nakakapagdulot pagkakuntento at pagkabusog na pampisikal. Ngunit hindi nagtatagal ang pagkakuntento na ito ay maya-maya lang din ay gutom tayo ulit at kailangan ulit punuan ang pangangailangan na ito. Bahagi na ito ng ating buhay kaya hindi na natin namamalayan ang siklo na ito. Madalas ang iba ay nakauton na lamang ang ginagawa sa mga pangangailangang pampisikal at dito na nawawala ang tunay na kahulugan ng buhay. Bakit? Dahil Diyos lang pinakamakapagpupuno ng ating puso na balisa. Sinabi nga ito ni San Agustin “Our hearts are restless until they rest in you”. Hangga’t hindi natin naiintindihan na tanging sa Diyos lamang natin makakamtan ang ganap na kasagaanan. Ang buhay at pag-ibig na walang hanggan ay kahit anong mabili ng ating mga pera, o anuman ang marating natin sa buhay ay balewala lahat. Maaring magkaroon ng maraming ari-arian, bahay, at kotse ngunit hindi pa rin nasasapat at may kulang pa rin.

Kaya sana hindi lang mga materyal na kayamanan ang ating pinagttrabahuhan ngunit mga kayamanan na hindi nakikita ng ating mga mata. Sa pamilya, higit na mahalaga ang oras kasama ang anak at makausap ito upang maggabayan nang Mabuti ang paglaki. Sa kapwa naman, sa trabaho o kahit anong aspeto ng pakikitungo sa kapwa ay ang magandang loob, serbisyo, tulong at tunay na malasakit ang parang hindi nakikitang iniipon natin sa “Bangko” na tanging ang Diyos lamang ang makakakita. Siya mismo ang magbabalik nito.
Balikan muli ang ating ebanghelyo at malalaman natin na sa labas ng Panginoon at ng pananatili sa kanya sa pang-araw araw nating buhay ay walang kaligtasan at walang kasaganaan sa mundo. Kung mayroon man, ito ay hindi magtatagal at panandalian. Batid ninyo, ang isang pamilya na ang Diyos ang inuuna sa hapag-kainan at sama-samang kumakain at nanalangin hanggang sa pagsisimba, ang Diyos mismo ang magliligtas sa kanila sa mga panganib anuman ang harapin nila na pagsubok ay Diyos mismo ang magsasalba sa Kanila dahil inuuna nila ang Diyos. Hindi ito “automatic” at kusang darating sa atin. Kailangan tayo maging aktibo sa pag-responde sa imbitasyon ng Panginoon sa atin.

Araw-araw ay kumakatok ang Diyos sa ating puso nagpaparamdam Siya sa iba’t ibang paraan. Kaya lamang ang iba sa atin ay mga manhid. Hindi nakaririnig ng Kanyang tinig. Tangunin ang sarili sa bago matulog, ito ang tinatawag na “examination of conscience”. Magbalik-tanaw sa mga kaganapan sa buong araw, at sa katahimikan ng puso ay hanapin kung saan naramdaman ang Panginoon. Lagi-lagi, oras-oras at minu-minuto ay nangungusap ang Diyos sa ating puso dahil dito Siya nananahan mismo sa atin. Kaya nga sa katahimikan lamang natin siya maaring marinig. Kapag ang buhay natin ay masyadong abala at maingay, ay mahihirapan tayong pakinggan ang tinig ng Diyos na siyang ating daan patungo sa Kanya.

Panahon na ngayon upang tayo naman ang makinig sa tinig ng Panginoon dahil sinabi na mismo ni Jesus na siya’y naparito upang magkaroon tayo ng kasaganaan. Sinabi mismo ni Jesus mula sa Juan 14:6, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makakapunta sa Ama kundi sa pamamagitan ko.”

Panalangin:

Panginoon, tulungan mo akong marinig ang Iyong tinig at sundin ang Iyong kalooban. Kung wala ka sa aking buhay, ang lahat ng aking gawin ay balewalang lahat. Ngunit naniniwala akong kung ikaw ay kasama sa lahat at bawat hakbang ng buhay ay alam kong makakaasa akong magiging sagana at kaaya-aya ang lahat. Anuman ang maging daan ko patungo sa iyo, mapapanatag ako sa piling mo, Jesus.

Pahintulutan mo akong manatili sayo sa lahat ng oras ng aking buhay, kasama na rin ang aking buong pamilya at mga minamahal sa buhay.

Amen. +

Isang mapagpalang lunes sa ating lahat!

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!

Copyright Reflections Written By:

Admin. Francesca Maria Margarita

 

Share this:

Leave a Reply